Nagsimula sa isang kusang loob at simpleng pagtaas ng kamay.
May sweldo ba d’yan?
Yan ang una kong naririnig sa mga tao pag sinasabi kong magvo-volunteer
ako sa isang institusyon natin dito sa Pinas na tumatanggap ng mga volunteers
para sa kanilang mga adhikain. Nadala talaga ako at nakapag-isip ng malalim sa
tanong na iyon ng una kong marinig.
“Volunteer nga ‘di
ba?”, gusto ko sanang sabihin.
Hindi ko naman talaga maaalis sa kanila ‘yon. Sa hirap
siguro ng buhay ngayon, bayani ka na pag nagta-trabaho ka ng walang bayad.
Panganay ako. Isang rehistradong nurse dito sa ating bansa.
Naiintindihan ko naman sila sa puntong iyon. Kailangan kumita ng pera upang
kumain, para mabuhay.
Ngunit ‘di rin natin maiaalis na sa sobrang paghahangad
natin na kumita ay nakakalimutan talaga natin ang esensya kung bakit tayo
nagta-trabaho. Lahat naman siguro ng trabaho ay naglalayong tumulong sa iba.
Teacher, Nurse, Doktor, Konduktor, Driver, Government Official, Waiter, kahit
isang simpleng Janitor. Lahat ng ‘yan ay iisa ang layunin. Ang magsilbi at
tumulong sa iba. ‘Yun nga lang ang pagkakaiba eh ang iba may bayad na.
Kung itatanong natin sa isang doktor ang dahilan bakit sila
pumupunta sa mga barrio at kabundukan upang manggamot kahit walang bayad, iisa
lang ang magiging sagot nila. Dahil ang lahat ay may karapatan na maging
malusog at maging malaya sa anumang sakit o karamdaman.
Kung isang guro naman ang tatanungin kung bakit tinitiis
nila ang maglakad ng malayo at umakyat sa kabundukan para turuan ang mga
katutubo nating kababayan, iisa lang din naman ang siguradong magiging sagot
nila. Dahil ang mga batang kanilang tinuturuan ay ang susunod na henerasyon at
kinabukasan ng ating bayan kung saan may karapatan ding matuto at maturuan.
Hindi pang sarili, kundi para sa iba.
Nakakalungkot mang isipin ngunit sila minsan ay nagiging
biktima ng pang-aapi at pagmamaliit ng lipunan. Ang mga taong nagtatrabaho ng
tapat kahit walang kita, sila pa minsan ang napapagkamalang rebelde at kalaban.
Ang mga taong iwinawaksi ang sariling kapakanan para sa kanilang mga kababayang
kapos sa buhay na minsa’y nababaliwala at nakakalimutan.
Kapos sa araw araw na pangangailangan, at kung minsa’y
binabansagan pang komunista at walang Diyos ng mga taong simbahan.
Walang kabayaran kundi ngiti, pagpapasalamat at kung minsan
ay luha ng kaligayahan. Ang maramdaman na kahit munting paraan ay nakatulong ka
sa kanila upang mabawasan ang bigat na kanilang dinadala, ang maramdamang
nabawasan mo ang populasyong malungkot, ang makabawas sa kabalisahan at takot.
Kung isa ka ring volunteer katulad ko, katulad namin, o
kaya’y isang simpleng taong may malawak na pagi-isip, t’yak maiintindihan mo
ito. At kung isang araw ay makakatagpo ka rin ng taong magtatanong sayong “may sweldo ba d’yan?” mag-isip ka rin ng
malalim saka taas noong sumagot:
“Volunteer nga po
kasi, ‘di ba?”.
.anne.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento