Bigla nalang naging malamig ang lahat. Ikaw ba ang problema?
Ako? Hindi ko alam. Parang kanina lamang ay masaya tayong nag-uusap,
natatawanan, nagbibiruan.
Nagtanong ka kung bakit. Sasabihin ko ba? Baka lalo lamang
masira ang gabi. Pinilit mong sabihin ko ang dahilan ngunit mas pinili kong
manahimik. Hindi mo ba alam ang ginawa mo kaya’t nagtatanong ka kung bakit? At
kung alam mo ba’y may paki-alam ka sa nararamdaman ko?
Bakit?
‘Yan din ang tanong ng isa kong kaibigan sa akin kanina nang
nakita niya akong malungkot na nakatitig sa litrato mong may kasamang iba.
Hindi ko siya kilala pero bakit masakit?
“Oh, bakit? Nagseselos ka ba?” Sabi ng kaibigan ko.
“Ha? Hindi, ay oo, ay, hindi ko alam eh,ah.. siguro.” Sagot
ko.
Nagseselos nga ba ako?
Ganito ba ang pakiramdam na iyon? Mahirap huminga, masakit
sa dibdib, mabigat sa puso. Kung ito nga iyon, ayoko nang mag-selos.
Hindi ko naman siya kilala ah. Baka nga kaibigan mo lang? O
kaya ay kamag-anak? Baka naman nagkaroon kayo ng oras upang muli ay magkita?
Baka naman may reunion na naganap?
Nais sana kitang tanungin ngunit walang lumalabas na salita.
Ayoko kasing malaman mo, ayoko kasing magpahalata. Unang una kasi wala naman
akong karapatan,dahil para sayo alam ko
na ako lamang ay isang matalik na kaibigan.
May mali ba sa nararamdaman ko? Ayoko kasi ng ganito, lalo
na kapag magkasama tayo. Gusto ko sa akin lang ang oras mo, sa akin lang ang
mga ngiti mo, sa akin lang ang mga mata mo. Mali ba ako? Masyado ba akong
nangangarap? Masyadong nag e-expect na para sa akin lang ang mga ‘yan? Siguro
nga, siguro nga.
Huminga ako ng malalim saka malakas na ibinuga ang hangin.
Dahan dahang tinapik ang dibdib gamit ang aking mga palad na para bang
nagsasabing “ayos lang yan, ayos lang
yan”. Naghihintay na sana’y mabawasan ang sakit at kabigatan.
Nagseselos nga ba ako? Ito nga ba iyon? Kung maaari ay ayoko
nang maramdaman. Pero paano?
Huminga ulit ako ng malalim, bumuga ng hangin, tinapik ang
dibdib. Ngunit wala parin.
Paki-usap sa susunod ay pabayaan mo nalang na ganito ako,
paki-usap sa sa susunod ay wag mo na akong tanungin dahil talagang hindi ko
alam ang isasagot kung bakit ako ganito. Paano ko nga ba kasi sasagutin ang mga
tanong mo upang hindi mo mahalata?
Kasi nga sobrang sakit sa damdamin?
Kasi nga sobrang bigat ng puso?
.anne.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento