“Bayad nga po, isa, estudyante.”
Sobrang na-miss ko nang sabihin ‘yon.
Isang araw habang natutupi ako ng mga damit ko, nakita ko
yung uniform ko nung college. Maputi pa din, pero hindi mo maipagkakailang
nakulong na sya ng matagal sa loob ng damitan. Pinagmasdan ko ito ng matagal,
saka biglang bumalik ulit ang alaala ng lahat. Dahil sa uniform kong kupas.
Ang sarap maging estudyante. Siguro kung ako ang bibigyan pa
ng isang pagkakataon mag-aral (at tuition na din) mag-aaral ako ulit. Para lang
matawag ulit na estudyante. Oo, dumadating yung oras na nakakapagod na at
kailangan na magpahinga. Pero ngayon naisip ko na mas masaya pala yung busy sa
pag-aaral tulad dati.
Nakakamiss yung pressure pag major exam na bukas at ngayon
ka lang nagpupuyat para mag-aral. Nakaka-miss yung puyat dahil galing ka sa
duty buong gabi at kinabukasan may return demo o lecture pa sa eskwelahan .
Nakaka-miss yung adventure mag-isa pag hinahanap yung hospital kung saan ka
magdu-duty. Nakaka-miss yung pagod sa pag-uwi.
Yung isang araw nagpunta ako sa isang bookstore malapit sa
amin. Ano pa ba ang makikita sa loob ng bookstore? Ang daming ballpen, ang
daming yellow pad, ang daming makukulay na notebook. Saka ulit ako nagsisi. Naalala
ko kasi nung college lalo na yung malapit na yung graduation, nanghihingi
nalang ako ng bondpaper sa katabi ko kasi ubos na yung notebook ko. Minsan nga
pati ballpen pa kasi ang dahilan ko naiwan ko, yun pala kinalimutan ko talaga.
Ngayon parang gusto kong bilhin lahat ng mga notebook at iba’t ibang kulay ng
ballpen sa dun sa tindahan. Yun nga lang, wala na akong paggagamitan.
Yung mga oras na tambay ka sa loob ng internet room o
library pag vacant. Yung mga oras na nasisira yung payong dahil sa lakas ng
hangin at ulan. Yung saya pag sinususpinde ang klase. Yung kaba pag na
sa-stranded ka dahil signal number 3 na pero pumasok ka pa din, may baon kasi.
Isu-suot ko sana yung uniform ko ulit, pero maliit na.
Babalik sana ko sa nakaraan pero huli na.
Pagkatapos ko titigan yung uniform ko ng matagal, tinupi ko
na ulit ng maayos saka nilagay sa tama niyang lagayan. Sa puso ko. Alam kong
isang araw bubuksan ko ulit ‘yon, at hinding hindi ako magsasawang titigan
ulit. Dahil kahit kailan hindi matutumbasan ang
saya na hatid ng mga ala-alang nakatago sa uniform kong kupas.
.anne.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento