Nagising ako ng pasado alas sing ko ng umaga, isang araw ng huwebes.
Natulala. Parang isang programa sa computer. Loading. Buffering. Nag-aalala.
Kinakabahan. Ano nga ba nanaman ang hatid ng araw na ito sa akin? Hanggang sa narinig
ko nanaman yung kapitbahay naming ang aga aga maglinis. Narinig ko yung walis
ting-ting nyang kumukuskos sa lupa ng paulit-ulit kasabay ng mga manok na
tumitilaok.
Bumaba ako mula sa higaan. Gusto kong lumabas. Pagbukas ng
pinto, naramdaman ko agad ang sariwang hangin ng umaga. Basa nanaman ang lupa
pati mga dahon, umulan nanaman kagabi. Sa kabila noon, naririnig ko na ang mga
ibong umaawit, kahit nakasilip pa lamang ang araw. Matagal na akong hindi
nakakakita ng araw na ganito. Masyado kasing nakatuon ang isip ko sa malalaking
bagay noong nakaraan. Nakalimutan ko nang gawin ‘to.
Haaay.. Simpleng araw, simpleng buhay. Kay gandang pagmasdan
ng umaga.
Wala akong trabaho. Nawalan. Isa nanaman ang nadagdag sa mga
taong, masakit man aminin, pero palamunin ng kanilang mga magulang. Tambay. Tandang
tanda ko, nakaraang huwebes lang din yun ng umaga. .
Nakaraang huwebes lang din yun ng umaga ng sinasabi sa
sarili ko na “Parang kanina lang may trabaho pa ako, kakasweldo ko lang. Ngayon,
wala na.” Nandodoon nanaman yung kaisipang “Mahina ako kaya nawalan ako ng
trabaho.” Sinisisi ang sarili. Doon ko naramdaman ulit na napaka komplikado ng
buhay. Kaunting gusot,kaunting mali,kaunting pagkukulang sa sistema, pwedeng
matanggal. “Napaka komplikado.” sabi ko habang pauwing dala dala ang
Termination of Employment na binigay ng boss ko. Kinakabahan. “Paano ko kaya to
sasabihin sa kanila?”.
Panganay ako. Isa sa mga tao sa aming bahay na may mabigat
na responsibilidad. Habang iniisip kung paano ko sasabiihin sa mga magulang at
kapatid ko, hindi ko alam na nakapag compose na pala ako sa cellphone ko ng mga
salita, at eto.. sending na. “Wala na
akong trabaho”. Nanlalamig, hinihintay
ang sagot nila. “Magagalit sila. Syempre, wala nang trabaho ang anak nila.”
Nang biglang tumunog ang cellphone. Ayan, may text na. Si mama. “Ayo slang yan,
andito kami ni papa mo.Umuwi ka agad… tinolang manok ang ulam.”
Luha.
Haaay.. kay simpleng
sumaya. Ako lang ang nagpapagulo sa lahat.
Maraming taong naghahanap ng kaligayahan sa buhay. Maraming taong
nagtatanong, “Ano nga ba ang kahulugan ng buhay?”. Ngunit oras na umulan at nasa bahay sila,
magtitimpla ng kape, mauupo, bubuksan ang T.V., manonood, sabay masasabing
“This is life”. Biglang nagkaroon ng kahulugan ang buhay. Hindi ba’t simple?
Isang gabi, lumabas ako dahil may bibilhin sa tindahan.
Noong pauwi na ako nakayuko akong naglalakad. Dala ang problema, iniisip kung ano
ang mangyayari kinabukasan. Sumasabay sa ihip ng hangin. Dahan-dahan akong tumingala upang mag buntong hininga, iniisip na
sana kasabay noon ang problemang mawala. Nakita ko ang langit, ang bituin, ang
buwan at kasabay noon, naramdaman ko ang payapang gabi. Natago at natalo ang
kabalisahan. Napangiti. Naisip ko, nakalimutan ko na nga ang mumunti at
simpleng mga bagay na nagpapasaya sa akin.
Isang hapon, lumabas ako ng bahay upang magpahangin. Nakita
ko ang mga batang naglalaro sa kalsada. Ngunit ang nakatawag ng pansin sa akin
ay iyong dalawang batang babae na maglalaro na sana ng “chinese garter”. Napansin ko kasi na namomroblema ang isa dahil
dalawa lang sila at kulang sila ng isa pang manlalaro upang maghawak sa isang
dulo ng tali. Aayaw na sana siyang ituloy yung laro dahil hindi nga naman
pwedeng ituloy ng kulang ang tao. Ngunit sabi ng isa, “ay nako, ganito lang
‘yan oh..” sabay kuha ng isang dulo ng tali at saka binuhol sa isang manipis na
poste. “Ayan.” Saka nya pinahawak yung kabilang dulo sa kalaro nya, saka siya
tumalon upang subukan. Natuwa sila, saka pinagpatuloy ang paglalaro.
Napangiti ako. Ang nasabi lang, “Oo nga naman..”
Iyon ang muling nagpaalala sa akin kung anong ibig sabihin
ng buhay. Ito nga pala ay maisasalarawan sa dalawang salita. SIMPLE at MASAYA.
.anne.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento