Ako si Lalay.
Masaya ako ng tumungtong ako dito Maynila kasama ang aking
dalawang anghel at ang aking kabiyak. Lalo na nung nakahanap kami ng lugar
upang matayuan ng aming tahanan kahit ang tawag sa amin ay “squatter”. Para sa
akin ito na ang simula ng lahat. Simula ng asenso, simula ng pag-angat ng aming
buhay, simula ng pag adjust mula buhay probinsya dito sa Maynila.
Swerte pa rin kami noon. Nagkaroon agad ng trabaho ang asawa ko. Si Romel. Kahit
maliit lang ang kita sa pag co-construction pinasok nya ito. Para sa amin ayos
na yung makakain kami ng tatlong beses sa isang araw. Mahirap nga ang buhay,
pero masaya na kaming nalalagpasan namin ito sa araw araw.
Mabilis na lumaki ang aming dalawang anghel. Si Martha at si
Maria. Oo, nakuha namin ang kanilang pangalan sa biblia. Ang itay ni Romel ang
nag suggest noon (aktibo kasi sila sa simbahan). Si Maria ng panganay, anim na
taong gulang na siya. Nasa unang baitang noon sa elementarya. Si Martha naman
ang pangalawa at nasa apat na taong gulang. Dalawang taon na din pala ang
nakakalipas mula nang lumipat kami dito.
High school lang ang natapos ko. Inuna ng mga magulang ko
ang mga kuya ko na makatapos. Hindi ko alam kung bakit ganito pa rin ngayon,
mga babae parin ang pinapabayaan sa tahanan upang maglinis, maglaba, magluto at
maghugas ng kinainan ng pamilya. Siguro ganun na nga lang talaga. Pero hindi ko
hahayang mangyari ‘yon sa dalawa kong prinsesa. Hindi pwede.
Madami na din namang nadaanang pagsubok ang aming tahanan sa
loob ng dalawang taon namin dito sa may creek. Malapit man kami sa ilog eh,
swerte pa rin dahil kahit inaabot kami ng baha eh ligtas naman kami. Yun ang
mahalaga, (ay hindi) ang pinakamahalaga. Muntikan na din noon masama sa sunog ang aming tahanan noong nagkasunog sa kapitbahay
namin. Nasa trabaho noon si Romel, kaming tatlong mag-iina lang ang nasa bahay.
Mabuti’t naagapan agad. Hindi ako mapapatawad ni Romel, lalo na ng sarili ko kapag
may nangyari sa kanila.
Sa kabila ng mga pagsubok na ito, Masaya padin kaming lahat.
Nagiging payapa ang damdamin ko tuwing nakakauwi ng ligtas ang aking mga anak galing
sa eskwela, pati na rin si Romel galing trabaho. Masaya kaming nag kwe-kwentuhan
habang kumakain ng hapunan kahit isang latang sardinas lamang ang ulam. Maayos naman
ang takbo ng lahat, hanggang kagabi..
Nakayakap sa akin si Martha. Malakas ang hangin, nakakatakot.
Halos ilipad ang yung bubong namin. Ginising ko si Romel. “May bagyo ba?” sabi
ko. Wala daw sabi ni Romel. “Wag kang mag-alala” sabi niya. “Noong Ondoy nga
walang nangyari. Ngayon pa’t walang bagyo? Andito naman ako at naka-bantay.”
Sabay yakap kina Martha at Maria na noong mga oras na ‘yon kahit tulog eh
nagugulat sa kulog. Malamig, kinumutan ko sila. Pumanatag ang loob ko. Kasama
ko sila, walang mangyayari. Yun ang pinaka mahalaga.
Kinabukasan, nagising akong umuulan pa din. Ngunit hindi
tulad kagabi, mas humina ito ngayon. Kaunti lang ang tubig na pumasok sa bahay
at pwede pang mawalis palabas. Medyo gumaan ang pakiramdam ko.
“Papasok ka pa?” tanong ko kay Romel. “Oo eh, yung mga bata
wag mo nang papasukin. Baka abutan pa ng malakas na ulan. Alagaan mo sila ah, sabihin
mo may pasalubong ako sa kanila mamaya pag-uwi.” Nakabihis na noon si Romel.
Gusto ko man siya pigilan pero kilala ko siya. Hindi sya magpapapigil lalo na
at medyo humina na ang ulan kaysa kagabi.
Yung mga oras na ‘yon, nakasandal siya sa pader ng bahay
namin. Nakabihis na pampasok at kasalukuyang umiinom ng kape. Nagising si
Maria, na matapos humalik sa akin eh pumunta sa kanya upang magpaalam. Niyakap
sya nito saka sinabihang “Wag papasaway ah, kayo lang nandito ni Mama at ni
Martha, dito lang kayo sa loob ng bahay at delikado. Okay?.” Sabi ni Romel. “Opo,
papa. I love you” sagot naman ni Maria. Napangiti ako. Tinitigan ko si Martha
na noong mga oras na iyon ay mahimbing pa din na natutulog.
Nakatingin lang ako sa mag-ama. Pagkatapos noon, hindi ko na
alam ang nangyari.
Hindi ko alam pero napakabilis ng lahat. Napansin ni Romel
ang biglang pagtaas ng tubig sa bahay, nabasa na nga yung pantalon nyang
hanggang tuhod ang tupi. Hanggang, isang malaki at rumaragasang alon ang
pumasok sa loob ng aming tahanan. Malakas iyon. Malaki at malakas. Natumba ang
mga gamit. Natumba si Romel pati si Maria. Nasira ang pader na kanina’y
sinasandalan ni Romel. Napasigaw ako.
“Romel!!! Maria, anak!!!”
“Ma!!!” Naririnig ko si Romel, si Maria, anak ko!
Nagising si Martha. Ngayon eh nasa higaan na namin ang baha.
Napakalas nito. Rumaragasa. Sinusubukan kong tumayo. Sa isang iglap, ang
payapang tahanan ay napuno ng tubig, dagat ng putik. Si Martha! Kailangan ko
mailigtas si Martha! Pero pano sila Romel?? Maria??
Hindi ko alam ang uunahin, hindi ko alam ang gagawin. Hawak
ko ng mahigpit si Martha, na ngayon ay umiiyak na. Hanggang dib dib ko agad ang
tubig. Nakita ko si Romel, hawak nya si Maria. Lalapit ako sa kanila. Kailangan
ko sila malapitan. Nang biglang lumakas ulit ang rumaragasang tubig.
Nabitawan ko si Martha.
“Martha!! Anak ko!!”
Wala na akong mahawakan. Hindi ko na sila makita, hindi ko
na alam kung nasaan ako. Maraming tao, pero wala si Romel, wala ang mga anak
ko. Lumingon ako sa kanan, kaliwa, sa likod, lumakas ulit ang alon, tinangay
ako. Hindi na ako makahinga, nakainom na ako ng tubig. Ito na ba ang katapusan
ko? Hindi ko alam kung saan nahampas ang ulo ko, pero pagkatapos noon, wala na
akong maalala.
Tulala.
Nagising nalang ako
ng tuluyan ng nagsalita na ang social worker na nasa harapan ko. Pinapakwento nya
sa akin ang nangyari. Nagsalita ako, nagkwento. Mukha naman syang mabait kaya
nilabas ko ang lahat ng nasa loob ko, habang lumuluha. Hindi ko alam kung
naiintindihan nya ako, wala akong pakialam, basta nagsalita ako. Naglabas ng
saloobin ko. Sinubukan nyang payapain ang loob ko. Saka pinainom ng mainit na
tubig.
Andoon ako hanggang tanghali. Hanggang sa kinahapunan. Padami
kami ng padami. May mga dumadagdag pa sa mga na-rescue. Nilibot ko ang lugar.
Si Romel, Si Maria, Si Martha.. mga anak ko? Pero wala, bigo akong makita sila.
Wala ang mga mukha nila. Nagpatuloy ako sa paglakad. Nakinig sa mga usapan.
Nang may marinig ako na kwentuhan:
“Nako, doon sa may sa amin, may isa pang lalaki, kawawa
naman dala-dala pa yung maliit na anak nya yata ‘yon habang tinatangay sila ng
malakas na alon ng baha. Nakita noong lalaki na may nakatingin sa kanila na mga
tao, siguro inisip nung lalaki na iligtas ‘yong anak nya kaya hinagis niya ‘yong
batang babaeng dala niya sa mga taong nakatingin, pero wala din, hindi umabot
‘yong bata kaya tinangay pa din nung alon. Pagkatapos noon hindi na namin sila
nakita. Nako kawawa naman.”
Napa-upo ako, saka humagulhol.
“Hindi! Hindi! hindi sila ‘yon! Hihintayin ko sila dito. Sabay
sabay kaming uuwi. Kakain kami mamayang hapunan ng kumpleto. Si Romel, Si
Maria, si Martha. Tabi tabi kaming matutulog. Sabay sabay din kaming gigising
bukas, bukas, wala nang ulan.wala nang baha! Hihintayin ko sila. Hihintayin ko
sila..”
.anne.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento