Biyernes, Oktubre 5, 2012

Liham Mula Kay Anonymous


Dear,

                  Masaya ka ba?

                Maulan ngayong araw, nakakulong ka nanaman sa kwarto, ninanamnam ang musika na galing sa headset na nasa iyong tenga. Nagbubulaybulay sa mga nakaraang mga pangyayari. Masaya ka ba?
                
                Graduate ka na ah. nabalitaan kong maayos naman ang naging pag-aaral mo sa loob ng apat na taon sa pinili mong kurso. Walang bulakbol na nangyari, bahay-eskwela ang nanging takbo ng buhay mo noon. Hindi tulad ng iba. Magaling ka naman noon sa eskwela, tahimik at nakakapasa. Masipag ka naman mag-aral. Tambay ng library pag bakante ang oras kasama ang mga matitino mong kaibigan. Pero, masaya ka ba?

                Pagkatapos ng graduation nag-review ka kaagad upang makapasa sa board exam. Ginugugol ang isang araw na nakaupo sa loob ng sinehan upang makinig sa magaling na lecturer. Nakikita na kita noon, nakaupo ka pa nga sa may bandang unahan. Seryoso. Sinusulat ang lahat ng tinatalakay sa isang malaking kwaderno, sinisiguradong walang malalagpasan. Masipag kang magsulat, kinulang nga yung malaking kwaderno sa sobrang dami mong naisulat. Kahit na alam mong nagkukulang ang pamasahe sa araw araw pumapasok ka pa din. Kahit na alam mong parehas lang ang kinakin mo araw araw dahil yun lang ang kaya ng budget ay tinitiis mo. Matuto ka lang, makapasa, at magkaroon ng titulo. ‘Di gaya ng iba. Matanong nga ulit, masaya ka ba?

                Naramdaman ko din yung kaba mo pagdating ng araw na yon. Narinig ko ding hinihiling at pinagdadasal mo na sana lahat ng alam mo ay lumabas sa lahat ng itatanong sa exam na yun. Pagkatapos, halos isang buwan ka din naghintay ng resulta. Isang nakakabagot at nakakakabang buwan. Isang hapon,  nakita ko kung papano mong binasa ang text message na na-receive mo galing sa kaklase mo, nakita ko ang kislap sa iyong mga mata habang binabasa mo iyon. Pumasa ka. Napakasaya ng mga magulang mo, sobra. Hindi ka na isang ordinaryong tao ngayon. Nurse ka na! may titulong dala dala mo habang ika’y nabubuhay. Napatingin ako sayo, nakita kitang nakangiti. Nung mga oras na iyon gusto sana kitang tanungin, “masaya ka ba”?

                Hindi mo alam ang nangyari noon, pero ang alam mo hindi related sa naging propesyon mo ang naging una mong trabaho. Oo, noong mga panahong ‘yon alam ko na hindi ka naging masaya. Hindi yon ang gusto mo. Alam ko kung paano mong pinilit na magustuhan pero hindi talaga. Hanggang sa naghanap ka ng iba. Napasok ka sa call center, madaming kaibigan, magandang experience. Pero hindi ka rin nagtagal. Bakit kaya? Naging masaya ka ba?

                Madami ka nang naranasan sa buhay ah.. 20 years old ka na. Nakasakay na sa zip line, nakasakay na ng eroplano, nakasakay na sa roller coaster, nakapag-kape na sa Star Bucks, may sarili ka na ngang laptop, nakapasok na sa horror booth, ilang beses nang nakapanood ng gusto mong pelikula, Nakakain na ng mga gusto mong pagkain, nabili na ang mga gusto mong libro, damit at ilang mga gamit. Nakikita kitang tumatawa at ngumingiti. Pero, masaya ka nga bang talaga?

                Hindi ko intensiyon na guluhin ang isip mo, concern lang ako. Kamusta ka na? Huli kasi kitang nakita umiiyak ka sa loob ng kwarto. Pagkatapos ng lahat, bakit? Narinig kong gusto mong bumalik sa nakaraan. Pagkatapos ng lahat ng nangyari, bakit? Masyado nang kumplikado ang mga nadaanan mong kalsada, kung babalik ka, kabisado mo pa ba? Baka maligaw ka lang ulit.

                Sa ngayon, alam mo ba kung saan ka pupunta? O, Bahala na?

    Kung kelangan mo ng kausap, andito lang ako. Hihintayin ko ang sagot mo. Sumulat ka lang.

                                                                                                                         
Tunay na nagmamahal,
 Anonymous

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento