“And God saw everything that He made, and behold, it was
very good..” –Genesis 1:31 (ESV)
Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang kalamidad na tumama
ngayon sa Pilipinas. Maraming kumakalat na balita lalo na sa social media na nagsasabing
konektado daw ito sa sinasabi sa bibilia (Genesis 8:7-12). Hindi ko alam kung
totoo ito o gawa gawa lang nanaman ng mga “nega” na tao.
Kung ako ang tatanungin, isa lang ang alam kong totoo.
Napakasarap basahing muli at balikbalikan ang “Creation
Story” sa biblia. Doon mo ulit mararamdaman kung gaano ka-espesyal ang tao sa
paningin ng Diyos. Mula sa pag provide Niya sa lahat ng kailangan natin,
hanggang sa kung paanong nilagay Niya tayo sa gitna ng kasaganahan at
pinagkatiwalaan sa lahat Niyang nilikha.
Sa pabibigay Niya ng langit, lupa, dagat, buwan, araw at mga
bituin, mga puno at iba’t ibang uri ng hayop, tunay na masasabi nating
kahangahanga Siya. Masarap pakinggan ang tawagin kang katiwala sa lahat Niyang
nilikha hindi ba? Ang tanong, kamusta naman ba tayo bilang mga katiwala?
Noong bata pa ako, isa sa mga pangarap kong magawa eh ang
humiga sa damuhan sa ilalim ng puno kapag hapon at saka magpahangin. Pero hindi
ko na yata magagawa yun. Dahil ang nakikita ko ngayon kahit saan ako lumingon
ay ang mga matatayog na istrukturang halos abot langit ang taas. Ang tanging
nasisilungan ngayon ay ang mga waiting shed na nangangalawang sa gilid ng
sementadong kalsada. Sa halip na hanging sariwa, ang tanging nalalanghap natin
ngayon ay ang mga usok na galing sa sasakyan at pabrika.
Noong bata pa ako, isa sa mga pangarap ko ay ang matutong
lumangoy, sumisid at magtampisaw sa malinaw na tubig dagat. Ngunit hindi ko na
yata magagawa ‘yon. Dahil ang lalanguyan mo, lalo na dito sa lungsod ay dagat
dagatang basura, o dagat ng putik lalo na pag lakas ng ulan at baha. Hanggang
swimming pool na nga lang siguro ako na puno ng chlorine at.. atbp.
Baha dahil sa basura. Landslide dahil sa kaingin.
Tuloy-tuloy na pag-init ng mundo dahil sa polusyon, at marami pang iba. Ano pa
pa ang sunod? Pagbuwis ng buhay dahil sa simpleng pagtapon ng balat ng kendi sa
kalsada?
Sabi sa isang kanta, “Hindi naman masama ang pag-unlad” at
totoo ‘yon ngunit wag natin sanang kalimutan na lahat tayo’y konektado sa bawat
isa, kaya lahat ay responsible sa kung ano man ang nangyayari sa ating tirahan.
Kaya kung ano man ang pamamaraan mo para “umunlad” siguraduhing hindi lang ang
sarili ang iisipin.
Wag sana nating biguin ang pangarap ng mga susunod na
henerasyon – ang masulyapang maganda ang kanilang mundong tinitirahan. Dahan
dahan sana nating ibalik sa dati ang ayos ng kapaligiran. Ang bakuran mo
ngayon, ang Pilipinas bukas, ang mundo sa makalawa.
Upang sa susunod na basahan natin sila ng kwento at madaanan
natin ang “Creation Story” ay maging totoo ito sa kanila.
.anne.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento