“…ang mamatay ng dahil sayo.”
Lupang Hinirang. Isa sa mga sagisag ng ating bayan. Isa sa mga dahilan
kaya humihinto o nagdadahandahan ang mga
pampasaherong jeep pag napapadaan sa mga pampublikong mga gusali tuwing lunes
ng umaga at swerte mo pag naabutan mo at
alas otso na at nagmamadali ka eh, nasa sasakyan ka pa. Isa sa mga dahilan kaya
pinapahinto ka ni manong guard pag papasok ka palang ng eskwelahan. Pag natapos
na ay dahilan din kaya patakbo kang pumapanhik sa hagdan. Kung minsan pa ay
ginagawa rin nating orasan, pag pang madaling araw ang pasok:
“Anong oras na kaya?...” Bubuksan
ang T.V. “Ay, Lupang Hinirang na. 4:30 na yan.”
O kung minsan sa patulog:
“Ay, lagpas alas dose na pala, Lupang hinirang na eh. Hindi ko namalayan.
Makatulog na nga.”
Sa kabila ng mga ito, alam pa ba natin ang tunay na dahilan kaya natin
paulit ulit inaawit ito? O sumasabay nalang tayo dahil nakasanayan at
kailangan? Dahil oras na hindi ka sumali sa flag ceremony lalo na sa mga
empleyado sa gobyerno, ay memo with multa pa ang katapat.
Kabisado pa nga ba natin?
Alam pa nga ba natin ang istorya sa likod ng pambansang awit na ito?
Alam pa ba natin ang tunay na kahulugan ng mga kulay? Ang kulay asul at kulay
pula? Ang tatlong bituin? Kabisado pa nga ba natin ang walong lalawigan na
lumaban para sa ating kalayaan na sinasagisag din ng walong sinag ng araw sa
ating bandila? O kabisado lang natin at
limot na ang lahat ng mga nangyari?
“Bataan, Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga, Manila, Nueva Ecija, Tarlac…”
Sa kabila ng kasaysayan ng Pilipinas, kamusta na nga ba tayo? Kamusta
na nga ba si Inang Pilipinas?
Pag may nagtanong, “Masayang bang mabuhay?” Ang isasagot ko, “Oo
Masaya. Sobra. Lalo na sa Pilipinas.”
Bayanihan, Jeep, Balot, Isaw, Mangga, Bagoong, Itlog na pula, kamatis
(hmmm…), kumain ng nakakamay, kaen, tulog, gising, kaen, tulog (ay naulit…),
patintero, tinikling, baro’t saya, po at opo, pangungutang sa kapitbahay pag
mayroong bisita (kahit dalawang araw nang asin at kanin lang ang pumupuno sa
sikmura).. atbp.
Ganyan ang Pilipino, ganyan ako. Ganyan tayo. Masaya hindi ba?
“It’s more fun in the Philippines”. Makulay ang Pilipinas,
makulay ang buhay ng isang Pilipino. Kung minsan, dahil ito sa ilang mga taong
walang ginawa kundi magbigay ng “thrill” sa ating araw araw na pamumuhay.
Martial Law.
Hacienda Luisita Massacre.
“I am sorry”.
ZTE broadband deal.
TRO.
SALN.
atbp.
May mga pagkakatulad hindi ba? Sino nga ba ang mga “starring” na yan? Hindi ba’t sila rin ang mga taong minsan
ay binigyan natin ng tiwala upang tayo’y iahon sa ating pagkakalunod? Hindi
ba’t sila rin ang sumumpa na magiging tapat sa kanilang mga posisyon? Ilan lang yan sa mga naging laman ng
pahayagan, ng radio at telebisyon sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Ilan lang
yan sa mga bagay na nagiging tatak natin bilang mga Pilipino sa ating mga
kapatid sa ibang bansa. Ito ang katotohanan. Masakit. Nakakahiyang aminin, pero,
nakakahiya talaga.
Noong nasa elementarya pa ako, isa sa mga pinagaaralan sa Sibika at
Kultura ay yung mga sinaunang Pilipino. Ang ating mga ninuno. Pag ikaw ay laki
sa pampublikong paaralan, walang sawa mo itong maririnig sa bawat silid aralan.
Malay, Indones at Aeta. Sila nga, at ang ilan pa sa ating mga katutubo. Ang mga
taong minsan ay nagbigay ng kontribusyon
sa ating bansa. Na minsan ding inagaw ng ilang mga dayuhan.
Ang sabi ng iba, magalak daw
tayo at sinakop tayo ng mga Espanyol sapagkat sakanila nanggaling ang ating
relihiyon sa kasalukuyan. Ang sabi ng iba, magalak daw tayo at sinakop tayo ng
mga Amerikano. Dahil kung hindi, eh, hindi daw tayo matututong bumasa at
sumulat. Wala daw tayong gobyerno, walang batas, walang sistema sa pamamalakad
ng lupa. Walang kaayusan.
Ang sabi ko “weh..?”
Hindi ba’t dati pa man ay
mayroon na tayong alibata? bathala at diwata? Hindi ba’t dati pa man ay mayroon
na tayong tinatawag na balangay? mga datu? Hindi ba’t naguumpisa na tayong umunlad nang
sila ay dumating at nagtakip ng ating mga mata, bibig at tenga? Iniba ang
kahulugan ng pag-unlad. Hindi ba’t dati pa man ay mayroon na tayong sistema sa
lupa? May sistema sa bawat kalakaran? Gobyerno? Hindi ba’t tayo ay nag-aaral
nang tumayo at maglakad bago sila dumating at pinilit tayong tumakbo?
Binaliktad ang batas.. at ang bibliya.
Kung mayroong “undo” ang buhay, malamang matagal na itong wala.
Malungkot man, pero, wala nga. Marahil ito rin ang dahilan kaya nariyan sila.
Ang mga bayani ng kasaysayan. Si Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario
Mabini, at ilan pa sa mga paulit-ulit nating kinakabisado noon pa mang elementarya.
At, marahil, hindi man tayo ipinanganak para maging kahanay ng mga bayaning
ito. Pinanganak naman tayong Pilipino. Pinanganak tayong may kaakibat na
responsibilidad na alisin ang buhanging tumatakip sa ningning ng minsa’y
tinaguriang “Perlas ng Silanganan”. May responsibilidad na ipagpag ang
alikabok na nagiging sagabal upang makita ang tunay na kagandahan ng Pilipinas,
at nating mga Pilipino. Pinanganak tayong may karapatang tumindig at magsalita
para sa bawat isa. Dahil may karapatan ding tayong maipakita at maipagmalaki sa
iba.
Na maisaulat sa kasaysayan ng mundo, maitala, na minsan, may Pilipino.
.anne.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento