Umaga nanaman, pinananabikan ko itong araw na ito. Makikita
nanaman kita, magkikita nanaman tayo.
Parang kailan lang noong huli tayong nagkita, parang kailan
lang noong nagdadasal akong hindi sana
magtagal at magkita nanaman tayo, ngayon ay heto at nakaporma nanaman
ako at aalis upang makita ka. Pumipili nanaman ng damit na maisusuot, nagaayos
nanaman ng buhok, naglalagay nanaman ng pabango.
Sobrang nananabik akong humakbang paalis, saglit na oras na
lang ang bibilangin at makakausap nanaman kita, makikita ko nanaman ang mga
ngiti mo, matititigan ko nanaman ang mga mata mo.
Pababa na ako ng sasakyan, hindi ko maipaliwanag ang
nararamdaman ko, pabilis ng pabilis ang kabog sa dib-dib ko, palakas ng palakas
habang hinahanap ko ang mukha mo sa gitna ng napakaraming tao. Nang mamukhaan
kita, biglang tumalon ang puso ko sa tuwa. Ayon ka at nakatingin sa akin,
naghihintay. Hindi ako pwedeng magkunwaring hindi natuwa ng makita kita. Hindi
ko maaaring itago ang nararamdamang tuwa.
Isa lang ang hiling ko ngayon habang naglalakad tayo at
kinakausap kita, sana ay hindi na matapos ‘tong araw na ‘to, sana huminto ang
ikot ng mundo upang maghapon akong nakatitig sa mga mata mo. Hinawakan mo ang
mga kamay ko, naramdaman kong muli ang palad mo, sobrang pinanabikan ko ‘yon ng
matagal na panahon, tinapat mo ito sa dibdib mo, hindi ko alam ang gusto mong
sabihin, nais mo bang maramdaman ko na parehas tayo ng nararamdaman? Ngunit
wala akong pakialam, ang alam ko lang ay hawak mo itong muli at ayoko nang mabitawan
mo iyon, kahit na saglit.
Wala akong pakialam kahit pagtinginan tayo ng mga tao dahil
sa lakas ng tawanan natin, wala akong nakikita kundi ikaw at ang mga ngiti mo.
Wala akong pakialam kahit anong itsura ko sa sobrang paghalakhak o kahit ano pa
man ang maging ayos ng buhok ko, dahil isa lang ang alam ko, ang kasama natin
ang isa’t isa at iyon ang mahalaga. Wala akong pakialam kahit maligaw tayo sa lugar
na itong unang beses natin puntahan, ang mahalaga ay hawak mo ang mga kamay ko
at alam kong hindi mo ako iiwanan saan man tayo mapunta. Wala akong pakialam
kahit na saan tayo kumain, ang mahalaga ay kasama kita sa isang lamesa. Wala
akong pakialam kahit matapilok, mauntog o madapa ako sa harapan mo dahil alam
kong ako pa rin ang pinakamangandang babae para sa paningin mo.
Isa lang ang hinihiling ko ngayon, sana araw araw ganito.
Sana oras oras kitang makasama. Ayoko na ulit mangulila. Pinipilit kong
pinapaniwala ang sarili kong masyadong nauuna ang oras sa relo ko. Kahit ano
gagawin ko upang mas mapatagal pa ang oras nating magkasama.
Kahit ayoko, lahat ay kailangang matapos. Para akong isang
katulong na naging prinsesa na kailangang magmadali sa pag-uwi. Ayoko man
ngunit kailangan ulit kitang bitawan.
Narito nanaman tayo, hinatid mo akong muli upang sumakay sa
karuwahe kong yari sa kalabasa. Ayoko pang bumitaw pero kailangan na. Tumalikod
na ako nang biglang naisip kong kailan ko ibaon ang ngiti mo sa pa-uwi ko, kaya
nilingon ulit kita upang makita iyon sa huling pagkakataon. Hindi ako nabigo,
nakangiti kang nakatingin sa akin, nagpaalam at para bang sinasabing
maghihintay kang muli.
Natapos ang araw nating magkasama. Ngayon ay heto ako at
inaalala ang lahat, ayoko kitang kalimutan, ayoko makalimutan ang lahat, kahit
isang detalye sa lahat ng nangyari.
Pumikit ako upang muling manalangin. Hihintayin ko ulit ang
umagang pinananabikan ko. Ang makita kitang muli. Ang magkita ulit tayo.
.anne.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento