Linggo, Oktubre 7, 2012

Secretly In Love


Kaye said:



Ako si Kaye. Labing siyam na taong gulang. Ika-apat na taon ko na sa kolehiyo sa kursong BS Nursing.

Secretly in love ako sa ka-eskwela ko na si Josh. Mag ka-klase kami noong 2nd year college. Yung una ko siyang nakita ay unang araw din ng ikalawang taon ko sa kolehiyo.

Nagmamadali ako noong araw na iyon dahil late na ako sa klase.  Magulo pa ang buhok dahil galing pa sa byahe. Nakakita ako ng isang lalaking nakatayo sa harapan ng elevator at naghihintay din. Sa wakas may kasabay ako. Sana nga lang kaklase ko.Pagtapat ko sa kanya ay nagkatinginan kami. Hindi lang iyon basta titig. Kakaiba iyon sa lahat dahil parang nag-slow motion ang paligid. Hindi ko alam pero pakiramdam ko matagal iyon. Mga tatlong segundo siguro. Maganda ang mga mata niya at disente siyang tignan. Hindi tulad ko. Ngingiti na sana ako ngunit siguradong napangitan siya sa buhok ko dahil yumuko agad siya. Nagkasabay kami sa elevator, tahimik, gusto ko sana siya noon tanungin kung anong year at section niya pero busy siya magtext. “Ah.. may girlfriend” sabi ko sa sarili ko. Walang umiimik hanggang makarating kami sa 4th floor.

Nasagot ang tanong ko. Oo, kaklase ko nga siya.Matalino siya, laging nagrerecite at palaging sa unahan nakaupo. Palagi akong nakatitig sa kanya at iniisip kung ano ba ‘tong nararamdaman ko, gusto ko sanang tumingin din siya para malaman ko pero wala, kaya’t binabaling nalang sa iba ang tingin o kaya ay yumuyuko na lamang ako. Lumipas ang isang taon na masaya. Kaibigan at nakausap ko na ang halos lahat ng kaklase namin maliban sa kanya. Pakiramdam ko ayaw niya sa akin. Hindi kasi siya namamansin. Kung kinausap ko lang siya noon at nginitian, tingin ko ay magkaibigan na sana kami. Pero hanggang ngayon wala pa rin.

3rd year college. Malungkot dahil hindi ko na siya kaklase. Magkaiba ang oras naming dalawa. Section A siya samantalang ako naman ay Section B noong panahon na ‘yon. Halos hindi na kami nagkikita. Hindi ko na siya masyadong naiisip hanggang isang araw.

Galing ako sa duty at dumiretso ng library upang mag-review para sa major exam namin sa makalawa. Puno ang library maliban sa dalawang upuan sa gilid. Tamang tama lang para sa akin at sa mga libro kong hiniram. Pinatong ko sa isang upuan ang mga libro saka tahimik na nagbasa, hanggang sa may nagsabing “Pwedeng makitabi? Puno na kasi eh”. Nang tinignan ko kung sino, siya ‘yon, siya ‘yon. Ayos na sana yung “Pwedeng makitabi?” kaso sinundan pa ng “Puno na kasi eh” pero ayos pa rin dahil katabi ko siya ngayon at nakikipag-usap na sa akin. Hindi ko kayang tumitig sa mga mata niya kaya kunwari ay nagbabasa   nalang ako saka tumatango sa mga tanong niyang related sa mga subject namin. Naasiwa yata siya dahil bigla nalang siyang nagpaalam at umalis. Sandali lang ang mga oras na iyon ngunit napakasaya ko.

Marami siyang kaibigang babae, lapitin dahil may itsura at matalino pa. Samantalang ako isang lalaki lang ang ka-close ko, bestfriend ko pa. Nagseselos ako pero mukhang masaya naman siya kaya’t pinabayaan ko nalang. Ganito na nga lang siguro.

Hindi kami parehas ng nararamdaman alam ko. Dahil hindi ako ang tipo niya. Walang pakialam sa itsura, taong bahay-skul-bahay, simple, kaunti ang kaibigan. Hindi tulad niya, inversely proportional kaming dalawa. Deserve niya nga siguro ang iba. Hindi na kami naging magka-klase hanggang 4th year. Naging busy na ang lahat at umabot na sa graduation.

Malapit na kaming maghiwalay pero sana ,wag niya akong kalimutan, kahit na alam kong imposible.


Josh said:



Ako si Josh. Dalawampu’t isang taong gulang. Ika-apat na taon ko na sa kolehiyo sa kursong BS Nursing.

Secretly in love ako sa ka-eskwela ko na si Kaye. Mag ka-klase kami noong 2nd year college. Yung una ko siyang nakita ay unang araw din ng ikalawang taon ko sa kolehiyo.

Petiks lang ako noon kahit alam ko na late na ako sa klase.  Nakapag-ayos pa nga ng buhok dahil nagulo sa byahe. Naghihintay ako noon sa tapat ng elevator ng may narinig akong tumatakbo palapit sa kinatatayuan ko. Ah, may kasabay ako. Siguro kaklase ko.Pagtapat niya sa akin ay nagkatinginan kami. Hindi ko alam pero hindi lang iyon basta titig. Kakaiba iyon sa lahat dahil parang nag-slow motion ang paligid. Hindi ko alam pero pakiramdam ko matagal iyon. Mga tatlong segundo siguro. Maganda ang mga mata niya maliban sa buhok niyang medyo magulo, pero hindi maitatangging cute siya. Ngingiti na sana ako pero baka  ang isipin niya ay napapangitan ako sa buhok niya kaya mas minabuti ko na yumuko. Nagkasabay kami sa elevator, tahimik, gusto ko sana siya noon tanungin kung anong year at section niya pero ayoko magpaka-obvious kaya kunwari nalang ay may ka-text. Walang umiimik hanggang makarating kami sa 4th floor.

Nasagot ang tanong ko. Oo, kaklase ko nga siya. Tahimik lang siya pero laging magkasunod ang score namin sa quizzes, matalino siya pero hindi pala-recite. Nagpapapansin ako kaya palaging sa unahan nakaupo. Palagi ko siyang nililingon at tumititig sa kanya habang iniisip kung ano ba ‘tong nararamdaman ko, gusto ko sanang tumingin din siya para malaman ko pero wala, sa iba siya nakatingin  at nakayukong palagi. Lumipas ang isang taon na masaya. Kaibigan at nakausap ko na ang halos lahat ng kaklase namin maliban sa kanya. Pakiramdam ko ayaw niya sa akin. Hindi kasi siya namamansin.Kung kinausap ko lang siya noon at nginitian, tingin ko ay magkaibigan na sana kami. Pero hanggang ngayon wala pa rin.

3rd year college. Parang may kulang ang lahat dahil hindi ko na siya kaklase. Magkaiba ang oras naming dalawa. Section A ako samantalang siya naman ay Section B noong panahon na ‘yon. Halos hindi na kami nagkikita. Pero palagi ko siyang naiisip. Hanggang isang araw.

20 minutes break namin ‘yon, hindi pa ako nakakapag-review kaya’t dumiretso ako ng library upang mag-review para sa major exam namin sa makalawa. Puno ang library maliban sa isang upuan sa gilid na may nakapatong na mga libro. Tinignan ko kung sino ang may-ari noon at nagulat ako, siya yon, siya yon at tahimik na nagbabasa. Hindi ko alam paano sisimulan pero kailangan, bago pa may maunang maupo. “Pwedeng makitabi? Puno na kasi eh” tanong ko. Muntik ko nang batukan ang sarili ko, ayos na sana yung “Pwedeng makitabi?” kaso sinundan ko pa ng “Puno na kasi eh” pero naging maayos naman lahat dahil pumayag siya. Hindi ko alam ang sasabihin ko dahil ngayon ko lang naramdaman ‘to, pero kailangan sulitin ang oras upang makausap ko siya ng matagal kaya’t kung ano ano nalang ang tinatanong ko sa kanya na related sa mga subject namin. Naasiwa yata siya dahil nagbabasa lang siya habang tumatango, pero ayos lang basta kaharap ko siya. Late na ako ng 15 minutes kaya’t minabuti ko nang magpaalam at umalis. Sandali lang iyong oras na iyon pero napakasaya ko.

Palagi siyang may isang lalaking kasama, sila na siguro,wala namang masama dahil maganda naman siya at matalino pa. Marami akong kaibigang babae pero iba pa rin talaga siya. Nagseselos ako pero mukhang masaya naman siya kaya’t pinabayaan ko nalang. Ganito na nga lang siguro.

Hindi kami parehas ng nararamdaman alam ko. Dahil hindi ako ang tipo niya. Walang paki-alam sa itsura, taong labas, maporma, mabarkada. Hindi tulad niya, inversely proportional kaming dalawa. Deserve niya nga siguro ang iba. Hindi na kami naging magka-klase hanggang 4th year. Naging busy na ang lahat at umabot na sa graduation.

Malapit na kaming maghiwalay pero sana, wag niya akong kalimutan, kahit na alam kong imposible.



.anne.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento