Linggo, Oktubre 7, 2012

Secretly In Love


Kaye said:



Ako si Kaye. Labing siyam na taong gulang. Ika-apat na taon ko na sa kolehiyo sa kursong BS Nursing.

Secretly in love ako sa ka-eskwela ko na si Josh. Mag ka-klase kami noong 2nd year college. Yung una ko siyang nakita ay unang araw din ng ikalawang taon ko sa kolehiyo.

Nagmamadali ako noong araw na iyon dahil late na ako sa klase.  Magulo pa ang buhok dahil galing pa sa byahe. Nakakita ako ng isang lalaking nakatayo sa harapan ng elevator at naghihintay din. Sa wakas may kasabay ako. Sana nga lang kaklase ko.Pagtapat ko sa kanya ay nagkatinginan kami. Hindi lang iyon basta titig. Kakaiba iyon sa lahat dahil parang nag-slow motion ang paligid. Hindi ko alam pero pakiramdam ko matagal iyon. Mga tatlong segundo siguro. Maganda ang mga mata niya at disente siyang tignan. Hindi tulad ko. Ngingiti na sana ako ngunit siguradong napangitan siya sa buhok ko dahil yumuko agad siya. Nagkasabay kami sa elevator, tahimik, gusto ko sana siya noon tanungin kung anong year at section niya pero busy siya magtext. “Ah.. may girlfriend” sabi ko sa sarili ko. Walang umiimik hanggang makarating kami sa 4th floor.

Nasagot ang tanong ko. Oo, kaklase ko nga siya.Matalino siya, laging nagrerecite at palaging sa unahan nakaupo. Palagi akong nakatitig sa kanya at iniisip kung ano ba ‘tong nararamdaman ko, gusto ko sanang tumingin din siya para malaman ko pero wala, kaya’t binabaling nalang sa iba ang tingin o kaya ay yumuyuko na lamang ako. Lumipas ang isang taon na masaya. Kaibigan at nakausap ko na ang halos lahat ng kaklase namin maliban sa kanya. Pakiramdam ko ayaw niya sa akin. Hindi kasi siya namamansin. Kung kinausap ko lang siya noon at nginitian, tingin ko ay magkaibigan na sana kami. Pero hanggang ngayon wala pa rin.

3rd year college. Malungkot dahil hindi ko na siya kaklase. Magkaiba ang oras naming dalawa. Section A siya samantalang ako naman ay Section B noong panahon na ‘yon. Halos hindi na kami nagkikita. Hindi ko na siya masyadong naiisip hanggang isang araw.

Galing ako sa duty at dumiretso ng library upang mag-review para sa major exam namin sa makalawa. Puno ang library maliban sa dalawang upuan sa gilid. Tamang tama lang para sa akin at sa mga libro kong hiniram. Pinatong ko sa isang upuan ang mga libro saka tahimik na nagbasa, hanggang sa may nagsabing “Pwedeng makitabi? Puno na kasi eh”. Nang tinignan ko kung sino, siya ‘yon, siya ‘yon. Ayos na sana yung “Pwedeng makitabi?” kaso sinundan pa ng “Puno na kasi eh” pero ayos pa rin dahil katabi ko siya ngayon at nakikipag-usap na sa akin. Hindi ko kayang tumitig sa mga mata niya kaya kunwari ay nagbabasa   nalang ako saka tumatango sa mga tanong niyang related sa mga subject namin. Naasiwa yata siya dahil bigla nalang siyang nagpaalam at umalis. Sandali lang ang mga oras na iyon ngunit napakasaya ko.

Marami siyang kaibigang babae, lapitin dahil may itsura at matalino pa. Samantalang ako isang lalaki lang ang ka-close ko, bestfriend ko pa. Nagseselos ako pero mukhang masaya naman siya kaya’t pinabayaan ko nalang. Ganito na nga lang siguro.

Hindi kami parehas ng nararamdaman alam ko. Dahil hindi ako ang tipo niya. Walang pakialam sa itsura, taong bahay-skul-bahay, simple, kaunti ang kaibigan. Hindi tulad niya, inversely proportional kaming dalawa. Deserve niya nga siguro ang iba. Hindi na kami naging magka-klase hanggang 4th year. Naging busy na ang lahat at umabot na sa graduation.

Malapit na kaming maghiwalay pero sana ,wag niya akong kalimutan, kahit na alam kong imposible.


Josh said:



Ako si Josh. Dalawampu’t isang taong gulang. Ika-apat na taon ko na sa kolehiyo sa kursong BS Nursing.

Secretly in love ako sa ka-eskwela ko na si Kaye. Mag ka-klase kami noong 2nd year college. Yung una ko siyang nakita ay unang araw din ng ikalawang taon ko sa kolehiyo.

Petiks lang ako noon kahit alam ko na late na ako sa klase.  Nakapag-ayos pa nga ng buhok dahil nagulo sa byahe. Naghihintay ako noon sa tapat ng elevator ng may narinig akong tumatakbo palapit sa kinatatayuan ko. Ah, may kasabay ako. Siguro kaklase ko.Pagtapat niya sa akin ay nagkatinginan kami. Hindi ko alam pero hindi lang iyon basta titig. Kakaiba iyon sa lahat dahil parang nag-slow motion ang paligid. Hindi ko alam pero pakiramdam ko matagal iyon. Mga tatlong segundo siguro. Maganda ang mga mata niya maliban sa buhok niyang medyo magulo, pero hindi maitatangging cute siya. Ngingiti na sana ako pero baka  ang isipin niya ay napapangitan ako sa buhok niya kaya mas minabuti ko na yumuko. Nagkasabay kami sa elevator, tahimik, gusto ko sana siya noon tanungin kung anong year at section niya pero ayoko magpaka-obvious kaya kunwari nalang ay may ka-text. Walang umiimik hanggang makarating kami sa 4th floor.

Nasagot ang tanong ko. Oo, kaklase ko nga siya. Tahimik lang siya pero laging magkasunod ang score namin sa quizzes, matalino siya pero hindi pala-recite. Nagpapapansin ako kaya palaging sa unahan nakaupo. Palagi ko siyang nililingon at tumititig sa kanya habang iniisip kung ano ba ‘tong nararamdaman ko, gusto ko sanang tumingin din siya para malaman ko pero wala, sa iba siya nakatingin  at nakayukong palagi. Lumipas ang isang taon na masaya. Kaibigan at nakausap ko na ang halos lahat ng kaklase namin maliban sa kanya. Pakiramdam ko ayaw niya sa akin. Hindi kasi siya namamansin.Kung kinausap ko lang siya noon at nginitian, tingin ko ay magkaibigan na sana kami. Pero hanggang ngayon wala pa rin.

3rd year college. Parang may kulang ang lahat dahil hindi ko na siya kaklase. Magkaiba ang oras naming dalawa. Section A ako samantalang siya naman ay Section B noong panahon na ‘yon. Halos hindi na kami nagkikita. Pero palagi ko siyang naiisip. Hanggang isang araw.

20 minutes break namin ‘yon, hindi pa ako nakakapag-review kaya’t dumiretso ako ng library upang mag-review para sa major exam namin sa makalawa. Puno ang library maliban sa isang upuan sa gilid na may nakapatong na mga libro. Tinignan ko kung sino ang may-ari noon at nagulat ako, siya yon, siya yon at tahimik na nagbabasa. Hindi ko alam paano sisimulan pero kailangan, bago pa may maunang maupo. “Pwedeng makitabi? Puno na kasi eh” tanong ko. Muntik ko nang batukan ang sarili ko, ayos na sana yung “Pwedeng makitabi?” kaso sinundan ko pa ng “Puno na kasi eh” pero naging maayos naman lahat dahil pumayag siya. Hindi ko alam ang sasabihin ko dahil ngayon ko lang naramdaman ‘to, pero kailangan sulitin ang oras upang makausap ko siya ng matagal kaya’t kung ano ano nalang ang tinatanong ko sa kanya na related sa mga subject namin. Naasiwa yata siya dahil nagbabasa lang siya habang tumatango, pero ayos lang basta kaharap ko siya. Late na ako ng 15 minutes kaya’t minabuti ko nang magpaalam at umalis. Sandali lang iyong oras na iyon pero napakasaya ko.

Palagi siyang may isang lalaking kasama, sila na siguro,wala namang masama dahil maganda naman siya at matalino pa. Marami akong kaibigang babae pero iba pa rin talaga siya. Nagseselos ako pero mukhang masaya naman siya kaya’t pinabayaan ko nalang. Ganito na nga lang siguro.

Hindi kami parehas ng nararamdaman alam ko. Dahil hindi ako ang tipo niya. Walang paki-alam sa itsura, taong labas, maporma, mabarkada. Hindi tulad niya, inversely proportional kaming dalawa. Deserve niya nga siguro ang iba. Hindi na kami naging magka-klase hanggang 4th year. Naging busy na ang lahat at umabot na sa graduation.

Malapit na kaming maghiwalay pero sana, wag niya akong kalimutan, kahit na alam kong imposible.



.anne.

Kasi Nga, Selos Ako


Bigla nalang naging malamig ang lahat. Ikaw ba ang problema? Ako? Hindi ko alam. Parang kanina lamang ay masaya tayong nag-uusap, natatawanan, nagbibiruan.

Nagtanong ka kung bakit. Sasabihin ko ba? Baka lalo lamang masira ang gabi. Pinilit mong sabihin ko ang dahilan ngunit mas pinili kong manahimik. Hindi mo ba alam ang ginawa mo kaya’t nagtatanong ka kung bakit? At kung alam mo ba’y may paki-alam ka sa nararamdaman ko?

Bakit?

‘Yan din ang tanong ng isa kong kaibigan sa akin kanina nang nakita niya akong malungkot na nakatitig sa litrato mong may kasamang iba. Hindi ko siya kilala pero bakit masakit?

“Oh, bakit? Nagseselos ka ba?” Sabi ng kaibigan ko.

“Ha? Hindi, ay oo, ay, hindi ko alam eh,ah.. siguro.” Sagot ko.

Nagseselos nga ba ako?

Ganito ba ang pakiramdam na iyon? Mahirap huminga, masakit sa dibdib, mabigat sa puso. Kung ito nga iyon, ayoko nang mag-selos.

Hindi ko naman siya kilala ah. Baka nga kaibigan mo lang? O kaya ay kamag-anak? Baka naman nagkaroon kayo ng oras upang muli ay magkita? Baka naman may reunion na naganap?

Nais sana kitang tanungin ngunit walang lumalabas na salita. Ayoko kasing malaman mo, ayoko kasing magpahalata. Unang una kasi wala naman akong karapatan,dahil  para sayo alam ko na ako lamang ay isang matalik na kaibigan.

May mali ba sa nararamdaman ko? Ayoko kasi ng ganito, lalo na kapag magkasama tayo. Gusto ko sa akin lang ang oras mo, sa akin lang ang mga ngiti mo, sa akin lang ang mga mata mo. Mali ba ako? Masyado ba akong nangangarap? Masyadong nag e-expect na para sa akin lang ang mga ‘yan? Siguro nga, siguro nga.

Huminga ako ng malalim saka malakas na ibinuga ang hangin. Dahan dahang tinapik ang dibdib gamit ang aking mga palad na para bang nagsasabing  “ayos lang yan, ayos lang yan”. Naghihintay na sana’y mabawasan ang sakit at kabigatan.

Nagseselos nga ba ako? Ito nga ba iyon? Kung maaari ay ayoko nang maramdaman. Pero paano?

Huminga ulit ako ng malalim, bumuga ng hangin, tinapik ang dibdib. Ngunit wala parin.

Paki-usap sa susunod ay pabayaan mo nalang na ganito ako, paki-usap sa sa susunod ay wag mo na akong tanungin dahil talagang hindi ko alam ang isasagot kung bakit ako ganito. Paano ko nga ba kasi sasagutin ang mga tanong mo upang hindi mo mahalata?

Kasi nga sobrang sakit sa damdamin?

Kasi nga sobrang bigat ng puso?

Kasi nga, selos ako.



.anne.

Biyernes, Oktubre 5, 2012

Ang Bilis Ng Oras 'Pag Kasama Kita


Umaga nanaman, pinananabikan ko itong araw na ito. Makikita nanaman kita, magkikita nanaman tayo.

Parang kailan lang noong huli tayong nagkita, parang kailan lang noong nagdadasal akong hindi sana  magtagal at magkita nanaman tayo, ngayon ay heto at nakaporma nanaman ako at aalis upang makita ka. Pumipili nanaman ng damit na maisusuot, nagaayos nanaman ng buhok, naglalagay nanaman ng pabango.

Sobrang nananabik akong humakbang paalis, saglit na oras na lang ang bibilangin at makakausap nanaman kita, makikita ko nanaman ang mga ngiti mo, matititigan ko nanaman ang mga mata mo.

Pababa na ako ng sasakyan, hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko, pabilis ng pabilis ang kabog sa dib-dib ko, palakas ng palakas habang hinahanap ko ang mukha mo sa gitna ng napakaraming tao. Nang mamukhaan kita, biglang tumalon ang puso ko sa tuwa. Ayon ka at nakatingin sa akin, naghihintay. Hindi ako pwedeng magkunwaring hindi natuwa ng makita kita. Hindi ko maaaring itago ang nararamdamang tuwa.

Isa lang ang hiling ko ngayon habang naglalakad tayo at kinakausap kita, sana ay hindi na matapos ‘tong araw na ‘to, sana huminto ang ikot ng mundo upang maghapon akong nakatitig sa mga mata mo. Hinawakan mo ang mga kamay ko, naramdaman kong muli ang palad mo, sobrang pinanabikan ko ‘yon ng matagal na panahon, tinapat mo ito sa dibdib mo, hindi ko alam ang gusto mong sabihin, nais mo bang maramdaman ko na parehas tayo ng nararamdaman? Ngunit wala akong pakialam, ang alam ko lang ay hawak mo itong muli at ayoko nang mabitawan mo iyon, kahit na saglit.



Wala akong pakialam kahit pagtinginan tayo ng mga tao dahil sa lakas ng tawanan natin, wala akong nakikita kundi ikaw at ang mga ngiti mo. Wala akong pakialam kahit anong itsura ko sa sobrang paghalakhak o kahit ano pa man ang maging ayos ng buhok ko, dahil isa lang ang alam ko, ang kasama natin ang isa’t isa at iyon ang mahalaga. Wala akong pakialam kahit maligaw tayo sa lugar na itong unang beses natin puntahan, ang mahalaga ay hawak mo ang mga kamay ko at alam kong hindi mo ako iiwanan saan man tayo mapunta. Wala akong pakialam kahit na saan tayo kumain, ang mahalaga ay kasama kita sa isang lamesa. Wala akong pakialam kahit matapilok, mauntog o madapa ako sa harapan mo dahil alam kong ako pa rin ang pinakamangandang babae para sa paningin mo.



Isa lang ang hinihiling ko ngayon, sana araw araw ganito. Sana oras oras kitang makasama. Ayoko na ulit mangulila. Pinipilit kong pinapaniwala ang sarili kong masyadong nauuna ang oras sa relo ko. Kahit ano gagawin ko upang mas mapatagal pa ang oras nating magkasama.

Kahit ayoko, lahat ay kailangang matapos. Para akong isang katulong na naging prinsesa na kailangang magmadali sa pag-uwi. Ayoko man ngunit kailangan ulit kitang bitawan.

Narito nanaman tayo, hinatid mo akong muli upang sumakay sa karuwahe kong yari sa kalabasa. Ayoko pang bumitaw pero kailangan na. Tumalikod na ako nang biglang naisip kong kailan ko ibaon ang ngiti mo sa pa-uwi ko, kaya nilingon ulit kita upang makita iyon sa huling pagkakataon. Hindi ako nabigo, nakangiti kang nakatingin sa akin, nagpaalam at para bang sinasabing maghihintay kang muli.



Natapos ang araw nating magkasama. Ngayon ay heto ako at inaalala ang lahat, ayoko kitang kalimutan, ayoko makalimutan ang lahat, kahit isang detalye sa lahat ng nangyari.

Pumikit ako upang muling manalangin. Hihintayin ko ulit ang umagang pinananabikan ko. Ang makita kitang muli. Ang magkita ulit tayo.



.anne.

Liham Mula Kay Anonymous


Dear,

                  Masaya ka ba?

                Maulan ngayong araw, nakakulong ka nanaman sa kwarto, ninanamnam ang musika na galing sa headset na nasa iyong tenga. Nagbubulaybulay sa mga nakaraang mga pangyayari. Masaya ka ba?
                
                Graduate ka na ah. nabalitaan kong maayos naman ang naging pag-aaral mo sa loob ng apat na taon sa pinili mong kurso. Walang bulakbol na nangyari, bahay-eskwela ang nanging takbo ng buhay mo noon. Hindi tulad ng iba. Magaling ka naman noon sa eskwela, tahimik at nakakapasa. Masipag ka naman mag-aral. Tambay ng library pag bakante ang oras kasama ang mga matitino mong kaibigan. Pero, masaya ka ba?

                Pagkatapos ng graduation nag-review ka kaagad upang makapasa sa board exam. Ginugugol ang isang araw na nakaupo sa loob ng sinehan upang makinig sa magaling na lecturer. Nakikita na kita noon, nakaupo ka pa nga sa may bandang unahan. Seryoso. Sinusulat ang lahat ng tinatalakay sa isang malaking kwaderno, sinisiguradong walang malalagpasan. Masipag kang magsulat, kinulang nga yung malaking kwaderno sa sobrang dami mong naisulat. Kahit na alam mong nagkukulang ang pamasahe sa araw araw pumapasok ka pa din. Kahit na alam mong parehas lang ang kinakin mo araw araw dahil yun lang ang kaya ng budget ay tinitiis mo. Matuto ka lang, makapasa, at magkaroon ng titulo. ‘Di gaya ng iba. Matanong nga ulit, masaya ka ba?

                Naramdaman ko din yung kaba mo pagdating ng araw na yon. Narinig ko ding hinihiling at pinagdadasal mo na sana lahat ng alam mo ay lumabas sa lahat ng itatanong sa exam na yun. Pagkatapos, halos isang buwan ka din naghintay ng resulta. Isang nakakabagot at nakakakabang buwan. Isang hapon,  nakita ko kung papano mong binasa ang text message na na-receive mo galing sa kaklase mo, nakita ko ang kislap sa iyong mga mata habang binabasa mo iyon. Pumasa ka. Napakasaya ng mga magulang mo, sobra. Hindi ka na isang ordinaryong tao ngayon. Nurse ka na! may titulong dala dala mo habang ika’y nabubuhay. Napatingin ako sayo, nakita kitang nakangiti. Nung mga oras na iyon gusto sana kitang tanungin, “masaya ka ba”?

                Hindi mo alam ang nangyari noon, pero ang alam mo hindi related sa naging propesyon mo ang naging una mong trabaho. Oo, noong mga panahong ‘yon alam ko na hindi ka naging masaya. Hindi yon ang gusto mo. Alam ko kung paano mong pinilit na magustuhan pero hindi talaga. Hanggang sa naghanap ka ng iba. Napasok ka sa call center, madaming kaibigan, magandang experience. Pero hindi ka rin nagtagal. Bakit kaya? Naging masaya ka ba?

                Madami ka nang naranasan sa buhay ah.. 20 years old ka na. Nakasakay na sa zip line, nakasakay na ng eroplano, nakasakay na sa roller coaster, nakapag-kape na sa Star Bucks, may sarili ka na ngang laptop, nakapasok na sa horror booth, ilang beses nang nakapanood ng gusto mong pelikula, Nakakain na ng mga gusto mong pagkain, nabili na ang mga gusto mong libro, damit at ilang mga gamit. Nakikita kitang tumatawa at ngumingiti. Pero, masaya ka nga bang talaga?

                Hindi ko intensiyon na guluhin ang isip mo, concern lang ako. Kamusta ka na? Huli kasi kitang nakita umiiyak ka sa loob ng kwarto. Pagkatapos ng lahat, bakit? Narinig kong gusto mong bumalik sa nakaraan. Pagkatapos ng lahat ng nangyari, bakit? Masyado nang kumplikado ang mga nadaanan mong kalsada, kung babalik ka, kabisado mo pa ba? Baka maligaw ka lang ulit.

                Sa ngayon, alam mo ba kung saan ka pupunta? O, Bahala na?

    Kung kelangan mo ng kausap, andito lang ako. Hihintayin ko ang sagot mo. Sumulat ka lang.

                                                                                                                         
Tunay na nagmamahal,
 Anonymous

Behold, It Was Very Good


“And God saw everything that He made, and behold, it was very good..” –Genesis 1:31 (ESV)



Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang kalamidad na tumama ngayon sa Pilipinas. Maraming kumakalat na balita lalo na sa social media na nagsasabing konektado daw ito sa sinasabi sa bibilia (Genesis 8:7-12). Hindi ko alam kung totoo ito o gawa gawa lang nanaman ng mga “nega” na tao.

Kung ako ang tatanungin, isa lang ang alam kong totoo.

Napakasarap basahing muli at balikbalikan ang “Creation Story” sa biblia. Doon mo ulit mararamdaman kung gaano ka-espesyal ang tao sa paningin ng Diyos. Mula sa pag provide Niya sa lahat ng kailangan natin, hanggang sa kung paanong nilagay Niya tayo sa gitna ng kasaganahan at pinagkatiwalaan sa lahat Niyang nilikha.

Sa pabibigay Niya ng langit, lupa, dagat, buwan, araw at mga bituin, mga puno at iba’t ibang uri ng hayop, tunay na masasabi nating kahangahanga Siya. Masarap pakinggan ang tawagin kang katiwala sa lahat Niyang nilikha hindi ba? Ang tanong, kamusta naman ba tayo bilang mga katiwala?



Noong bata pa ako, isa sa mga pangarap kong magawa eh ang humiga sa damuhan sa ilalim ng puno kapag hapon at saka magpahangin. Pero hindi ko na yata magagawa yun. Dahil ang nakikita ko ngayon kahit saan ako lumingon ay ang mga matatayog na istrukturang halos abot langit ang taas. Ang tanging nasisilungan ngayon ay ang mga waiting shed na nangangalawang sa gilid ng sementadong kalsada. Sa halip na hanging sariwa, ang tanging nalalanghap natin ngayon ay ang mga usok na galing sa sasakyan at pabrika.



Noong bata pa ako, isa sa mga pangarap ko ay ang matutong lumangoy, sumisid at magtampisaw sa malinaw na tubig dagat. Ngunit hindi ko na yata magagawa ‘yon. Dahil ang lalanguyan mo, lalo na dito sa lungsod ay dagat dagatang basura, o dagat ng putik lalo na pag lakas ng ulan at baha. Hanggang swimming pool na nga lang siguro ako na puno ng chlorine at.. atbp.



Baha dahil sa basura. Landslide dahil sa kaingin. Tuloy-tuloy na pag-init ng mundo dahil sa polusyon, at marami pang iba. Ano pa pa ang sunod? Pagbuwis ng buhay dahil sa simpleng pagtapon ng balat ng kendi sa kalsada?

Sabi sa isang kanta, “Hindi naman masama ang pag-unlad” at totoo ‘yon ngunit wag natin sanang kalimutan na lahat tayo’y konektado sa bawat isa, kaya lahat ay responsible sa kung ano man ang nangyayari sa ating tirahan. Kaya kung ano man ang pamamaraan mo para “umunlad” siguraduhing hindi lang ang sarili ang iisipin.

Wag sana nating biguin ang pangarap ng mga susunod na henerasyon – ang masulyapang maganda ang kanilang mundong tinitirahan. Dahan dahan sana nating ibalik sa dati ang ayos ng kapaligiran. Ang bakuran mo ngayon, ang Pilipinas bukas, ang mundo sa makalawa.

Upang sa susunod na basahan natin sila ng kwento at madaanan natin ang “Creation Story” ay maging totoo ito sa kanila.



.anne.

Ang Uniform Kong Kupas


“Bayad nga po, isa, estudyante.”

Sobrang na-miss ko nang sabihin ‘yon.

Isang araw habang natutupi ako ng mga damit ko, nakita ko yung uniform ko nung college. Maputi pa din, pero hindi mo maipagkakailang nakulong na sya ng matagal sa loob ng damitan. Pinagmasdan ko ito ng matagal, saka biglang bumalik ulit ang alaala ng lahat. Dahil sa uniform kong kupas.

Ang sarap maging estudyante. Siguro kung ako ang bibigyan pa ng isang pagkakataon mag-aral (at tuition na din) mag-aaral ako ulit. Para lang matawag ulit na estudyante. Oo, dumadating yung oras na nakakapagod na at kailangan na magpahinga. Pero ngayon naisip ko na mas masaya pala yung busy sa pag-aaral tulad dati.

Nakakamiss yung pressure pag major exam na bukas at ngayon ka lang nagpupuyat para mag-aral. Nakaka-miss yung puyat dahil galing ka sa duty buong gabi at kinabukasan may return demo o lecture pa sa eskwelahan . Nakaka-miss yung adventure mag-isa pag hinahanap yung hospital kung saan ka magdu-duty. Nakaka-miss yung pagod sa pag-uwi.



Yung isang araw nagpunta ako sa isang bookstore malapit sa amin. Ano pa ba ang makikita sa loob ng bookstore? Ang daming ballpen, ang daming yellow pad, ang daming makukulay na notebook. Saka ulit ako nagsisi. Naalala ko kasi nung college lalo na yung malapit na yung graduation, nanghihingi nalang ako ng bondpaper sa katabi ko kasi ubos na yung notebook ko. Minsan nga pati ballpen pa kasi ang dahilan ko naiwan ko, yun pala kinalimutan ko talaga. Ngayon parang gusto kong bilhin lahat ng mga notebook at iba’t ibang kulay ng ballpen sa dun sa tindahan. Yun nga lang, wala na akong paggagamitan.



Yung mga oras na tambay ka sa loob ng internet room o library pag vacant. Yung mga oras na nasisira yung payong dahil sa lakas ng hangin at ulan. Yung saya pag sinususpinde ang klase. Yung kaba pag na sa-stranded ka dahil signal number 3 na pero pumasok ka pa din, may baon kasi.

Isu-suot ko sana yung uniform ko ulit, pero maliit na. Babalik sana ko sa nakaraan pero huli na.
Pagkatapos ko titigan yung uniform ko ng matagal, tinupi ko na ulit ng maayos saka nilagay sa tama niyang lagayan. Sa puso ko. Alam kong isang araw bubuksan ko ulit ‘yon, at hinding hindi ako magsasawang titigan ulit. Dahil kahit kailan hindi matutumbasan ang  saya na hatid ng mga ala-alang nakatago sa uniform kong kupas.

.anne.

Ang Tahanang Naglaho


Ako si Lalay.

Masaya ako ng tumungtong ako dito Maynila kasama ang aking dalawang anghel at ang aking kabiyak. Lalo na nung nakahanap kami ng lugar upang matayuan ng aming tahanan kahit ang tawag sa amin ay “squatter”. Para sa akin ito na ang simula ng lahat. Simula ng asenso, simula ng pag-angat ng aming buhay, simula ng pag adjust mula buhay probinsya dito sa Maynila.

Swerte pa rin kami noon. Nagkaroon  agad ng trabaho ang asawa ko. Si Romel. Kahit maliit lang ang kita sa pag co-construction pinasok nya ito. Para sa amin ayos na yung makakain kami ng tatlong beses sa isang araw. Mahirap nga ang buhay, pero masaya na kaming nalalagpasan namin ito sa araw araw.

Mabilis na lumaki ang aming dalawang anghel. Si Martha at si Maria. Oo, nakuha namin ang kanilang pangalan sa biblia. Ang itay ni Romel ang nag suggest noon (aktibo kasi sila sa simbahan). Si Maria ng panganay, anim na taong gulang na siya. Nasa unang baitang noon sa elementarya. Si Martha naman ang pangalawa at nasa apat na taong gulang. Dalawang taon na din pala ang nakakalipas mula nang lumipat kami dito.



High school lang ang natapos ko. Inuna ng mga magulang ko ang mga kuya ko na makatapos. Hindi ko alam kung bakit ganito pa rin ngayon, mga babae parin ang pinapabayaan sa tahanan upang maglinis, maglaba, magluto at maghugas ng kinainan ng pamilya. Siguro ganun na nga lang talaga. Pero hindi ko hahayang mangyari ‘yon sa dalawa kong prinsesa. Hindi pwede.

Madami na din namang nadaanang pagsubok ang aming tahanan sa loob ng dalawang taon namin dito sa may creek. Malapit man kami sa ilog eh, swerte pa rin dahil kahit inaabot kami ng baha eh ligtas naman kami. Yun ang mahalaga, (ay hindi) ang pinakamahalaga. Muntikan na din noon masama sa sunog  ang aming tahanan noong nagkasunog sa kapitbahay namin. Nasa trabaho noon si Romel, kaming tatlong mag-iina lang ang nasa bahay. Mabuti’t naagapan agad. Hindi ako mapapatawad ni Romel, lalo na ng sarili ko kapag may nangyari sa kanila.



Sa kabila ng mga pagsubok na ito, Masaya padin kaming lahat. Nagiging payapa ang damdamin ko tuwing nakakauwi ng ligtas ang aking mga anak galing sa eskwela, pati na rin si Romel galing trabaho. Masaya kaming nag kwe-kwentuhan habang kumakain ng hapunan kahit isang latang sardinas lamang ang ulam. Maayos naman ang takbo ng lahat, hanggang kagabi..

Nakayakap sa akin si Martha. Malakas ang hangin, nakakatakot. Halos ilipad ang yung bubong namin. Ginising ko si Romel. “May bagyo ba?” sabi ko. Wala daw sabi ni Romel. “Wag kang mag-alala” sabi niya. “Noong Ondoy nga walang nangyari. Ngayon pa’t walang bagyo? Andito naman ako at naka-bantay.” Sabay yakap kina Martha at Maria na noong mga oras na ‘yon kahit tulog eh nagugulat sa kulog. Malamig, kinumutan ko sila. Pumanatag ang loob ko. Kasama ko sila, walang mangyayari. Yun ang pinaka mahalaga.
Kinabukasan, nagising akong umuulan pa din. Ngunit hindi tulad kagabi, mas humina ito ngayon. Kaunti lang ang tubig na pumasok sa bahay at pwede pang mawalis palabas. Medyo gumaan ang pakiramdam ko.
“Papasok ka pa?” tanong ko kay Romel. “Oo eh, yung mga bata wag mo nang papasukin. Baka abutan pa ng malakas na ulan. Alagaan mo sila ah, sabihin mo may pasalubong ako sa kanila mamaya pag-uwi.” Nakabihis na noon si Romel. Gusto ko man siya pigilan pero kilala ko siya. Hindi sya magpapapigil lalo na at medyo humina na ang ulan kaysa kagabi.

Yung mga oras na ‘yon, nakasandal siya sa pader ng bahay namin. Nakabihis na pampasok at kasalukuyang umiinom ng kape. Nagising si Maria, na matapos humalik sa akin eh pumunta sa kanya upang magpaalam. Niyakap sya nito saka sinabihang “Wag papasaway ah, kayo lang nandito ni Mama at ni Martha, dito lang kayo sa loob ng bahay at delikado. Okay?.” Sabi ni Romel. “Opo, papa. I love you” sagot naman ni Maria. Napangiti ako. Tinitigan ko si Martha na noong mga oras na iyon ay mahimbing pa din na natutulog.

Nakatingin lang ako sa mag-ama. Pagkatapos noon, hindi ko na alam ang nangyari.

Hindi ko alam pero napakabilis ng lahat. Napansin ni Romel ang biglang pagtaas ng tubig sa bahay, nabasa na nga yung pantalon nyang hanggang tuhod ang tupi. Hanggang, isang malaki at rumaragasang alon ang pumasok sa loob ng aming tahanan. Malakas iyon. Malaki at malakas. Natumba ang mga gamit. Natumba si Romel pati si Maria. Nasira ang pader na kanina’y sinasandalan ni Romel. Napasigaw ako.

“Romel!!! Maria, anak!!!”

“Ma!!!” Naririnig ko si Romel, si Maria, anak ko!

Nagising si Martha. Ngayon eh nasa higaan na namin ang baha. Napakalas nito. Rumaragasa. Sinusubukan kong tumayo. Sa isang iglap, ang payapang tahanan ay napuno ng tubig, dagat ng putik. Si Martha! Kailangan ko mailigtas si Martha! Pero pano sila Romel?? Maria??

Hindi ko alam ang uunahin, hindi ko alam ang gagawin. Hawak ko ng mahigpit si Martha, na ngayon ay umiiyak na. Hanggang dib dib ko agad ang tubig. Nakita ko si Romel, hawak nya si Maria. Lalapit ako sa kanila. Kailangan ko sila malapitan. Nang biglang lumakas ulit ang rumaragasang tubig.

Nabitawan ko si Martha.

“Martha!! Anak ko!!”



Wala na akong mahawakan. Hindi ko na sila makita, hindi ko na alam kung nasaan ako. Maraming tao, pero wala si Romel, wala ang mga anak ko. Lumingon ako sa kanan, kaliwa, sa likod, lumakas ulit ang alon, tinangay ako. Hindi na ako makahinga, nakainom na ako ng tubig. Ito na ba ang katapusan ko? Hindi ko alam kung saan nahampas ang ulo ko, pero pagkatapos noon, wala na akong maalala.

Tulala.

 Nagising nalang ako ng tuluyan ng nagsalita na ang social worker na nasa harapan ko. Pinapakwento nya sa akin ang nangyari. Nagsalita ako, nagkwento. Mukha naman syang mabait kaya nilabas ko ang lahat ng nasa loob ko, habang lumuluha. Hindi ko alam kung naiintindihan nya ako, wala akong pakialam, basta nagsalita ako. Naglabas ng saloobin ko. Sinubukan nyang payapain ang loob ko. Saka pinainom ng mainit na tubig.
Andoon ako hanggang tanghali. Hanggang sa kinahapunan. Padami kami ng padami. May mga dumadagdag pa sa mga na-rescue. Nilibot ko ang lugar. Si Romel, Si Maria, Si Martha.. mga anak ko? Pero wala, bigo akong makita sila. Wala ang mga mukha nila. Nagpatuloy ako sa paglakad. Nakinig sa mga usapan. Nang may marinig ako na kwentuhan:

“Nako, doon sa may sa amin, may isa pang lalaki, kawawa naman dala-dala pa yung maliit na anak nya yata ‘yon habang tinatangay sila ng malakas na alon ng baha. Nakita noong lalaki na may nakatingin sa kanila na mga tao, siguro inisip nung lalaki na iligtas ‘yong anak nya kaya hinagis niya ‘yong batang babaeng dala niya sa mga taong nakatingin, pero wala din, hindi umabot ‘yong bata kaya tinangay pa din nung alon. Pagkatapos noon hindi na namin sila nakita. Nako kawawa naman.”

Napa-upo ako, saka humagulhol.

“Hindi! Hindi! hindi sila ‘yon! Hihintayin ko sila dito. Sabay sabay kaming uuwi. Kakain kami mamayang hapunan ng kumpleto. Si Romel, Si Maria, si Martha. Tabi tabi kaming matutulog. Sabay sabay din kaming gigising bukas, bukas, wala nang ulan.wala nang baha! Hihintayin ko sila. Hihintayin ko sila..”



.anne.

Volunteer Nga Po Kasi


Nagsimula sa isang kusang loob at simpleng pagtaas ng kamay.

May sweldo ba d’yan?

Yan ang una kong naririnig sa mga tao pag sinasabi kong magvo-volunteer ako sa isang institusyon natin dito sa Pinas na tumatanggap ng mga volunteers para sa kanilang mga adhikain. Nadala talaga ako at nakapag-isip ng malalim sa tanong na iyon ng una kong marinig.

“Volunteer nga ‘di ba?”, gusto ko sanang sabihin.

Hindi ko naman talaga maaalis sa kanila ‘yon. Sa hirap siguro ng buhay ngayon, bayani ka na pag nagta-trabaho ka ng walang bayad.

Panganay ako. Isang rehistradong nurse dito sa ating bansa. Naiintindihan ko naman sila sa puntong iyon. Kailangan kumita ng pera upang kumain, para mabuhay.

Ngunit ‘di rin natin maiaalis na sa sobrang paghahangad natin na kumita ay nakakalimutan talaga natin ang esensya kung bakit tayo nagta-trabaho. Lahat naman siguro ng trabaho ay naglalayong tumulong sa iba. Teacher, Nurse, Doktor, Konduktor, Driver, Government Official, Waiter, kahit isang simpleng Janitor. Lahat ng ‘yan ay iisa ang layunin. Ang magsilbi at tumulong sa iba. ‘Yun nga lang ang pagkakaiba eh ang iba may bayad na.

Kung itatanong natin sa isang doktor ang dahilan bakit sila pumupunta sa mga barrio at kabundukan upang manggamot kahit walang bayad, iisa lang ang magiging sagot nila. Dahil ang lahat ay may karapatan na maging malusog at maging malaya sa anumang sakit o karamdaman.

Kung isang guro naman ang tatanungin kung bakit tinitiis nila ang maglakad ng malayo at umakyat sa kabundukan para turuan ang mga katutubo nating kababayan, iisa lang din naman ang siguradong magiging sagot nila. Dahil ang mga batang kanilang tinuturuan ay ang susunod na henerasyon at kinabukasan ng ating bayan kung saan may karapatan ding matuto at maturuan.

Hindi pang sarili, kundi para sa iba.

Nakakalungkot mang isipin ngunit sila minsan ay nagiging biktima ng pang-aapi at pagmamaliit ng lipunan. Ang mga taong nagtatrabaho ng tapat kahit walang kita, sila pa minsan ang napapagkamalang rebelde at kalaban. Ang mga taong iwinawaksi ang sariling kapakanan para sa kanilang mga kababayang kapos sa buhay na minsa’y nababaliwala at nakakalimutan.

Kapos sa araw araw na pangangailangan, at kung minsa’y binabansagan pang komunista at walang Diyos ng mga taong simbahan.

Walang kabayaran kundi ngiti, pagpapasalamat at kung minsan ay luha ng kaligayahan. Ang maramdaman na kahit munting paraan ay nakatulong ka sa kanila upang mabawasan ang bigat na kanilang dinadala, ang maramdamang nabawasan mo ang populasyong malungkot, ang makabawas sa kabalisahan at takot.

Kung isa ka ring volunteer katulad ko, katulad namin, o kaya’y isang simpleng taong may malawak na pagi-isip, t’yak maiintindihan mo ito. At kung isang araw ay makakatagpo ka rin ng taong magtatanong sayong “may sweldo ba d’yan?” mag-isip ka rin ng malalim saka taas noong sumagot:

“Volunteer nga po kasi, ‘di ba?”.



.anne.

Kuwentuhang Pag-ibig


Pag-ibig.

Ang sabi ng iba,pwedeng isa daw ito sa pinakamasayang mararamdaman ng isang tao. Kulang ang iyong buhay pag hindi mo naramdaman ito. Ngunit para sa iba ay, isa din sa pinakamasakit.

Hindi man ako eksperto pagdating sa pagibig eh, syempre, Hindi naman ako ignorante. Oo, tama, masarap at masaya ang umibig, ngunit sa kabila noon, sabihin nating palaging mayroong mahirap na parte. Lahat naman siguro tayo ay nasa parehong  pahina pag ito ang pinaguusapan.

Natatandaan mo pa ba kung sino yung first crush mo? Nakakatawang isipin pero ako, oo.
Grade 3? Hindi ko pa alam ang ibig sabihin ng salitang yon. Crush. Nagulat na lang ako yung tinanong ng kaklase ko.

Classmate: Ui, sinong crush mo dito?
Ako: Ano? Crush? Ano yun?
Classmate: Hindi mo alam yun?
Ako: Hindi.

 Grade 3? Ignorante, inosente.

Isa-isahin natin: Ano ano nga ba ang ibig sabihin ng pag-ibig sa bawat sitwasyon. First crush, first love, at syempre, ang true love. Mahirap mang sabihin ang eksaktong kahulugan ng bawat isa, ay, sigurado namang kaya nating ipaliwanag ang ating nararamdaman.

First crush. (Naaalala ko, ganito yung pakiramdam na yun)



Masarap lang sa pakiramdam na titigan mo siya oras oras. Yung tipong magkakasalubungan kayo ng tingin tapos kunwari sa iba ka nakatingin. Mahihiya ka pero gusto mong maulit. Yung gustong gusto mong mapansin ka, kahit “hi” lang. Dito mo din mae-experience yung akala mo sayo siya nakatingin, yun pala sa taong nasa likuran mo, pero pagpipilitan mo sa sarili mong sayo nga. Yung gustong gusto mong laging mataas yung score na makuha sa quizzes at exams mo para mapansin ka niya.Yung tipong lahat ng petsa tungkol sa kanya tandang tanda mo, may listahan ka pa. Lalo na yung petsang tinawag ka niya sa first name mo.

Kung maiisip mo ngayon eh, napakaaga pa noon. Napakaaga pa.

First love. (Kung ako ang tatanungin)



Eto yung mga oras na natututo ka na gumamit ng cellphone. Yung pakiramdam na gusto mong bumili ng slam note at pasagutan lahat ng tanong dun sa taong yun dahil gusto mong makuha ang number nya para makausap siya, pero hindi mo naman matext-text kasi hindi mo naman kayang kausapin, hindi nga kasi kayo close at hindi mo alam ang sasabihin.  Gusto malaman kung sino ang “first crush o first love” nya. Yung tipong naiinggit ka sa iba dahil nakakausap nila at nakikipagtawanan sa kanila. Yung pakiramdam na gustong gusto mo sya makausap pero pag oras na nandyan na sya eh, wala ka nang masabi at hindi ka makagalaw. Yung tipong pag nagkakasalubong kayo ay biglang nararamdaman mong tumatalon ang puso mo sa tuwa, gustong huminto ang oras para mas matagal mo siyang matitigan. Yung tipong lahat ng bagay na mahahawakan nya eh espesyal para sayo at gusto mong ikahon, at oras na mahawakan nya ang isa sa mga gamit mo eh ayaw mo nang palabhan at palitan.

Plus, eto na rin yung oras na makita mong marami syang kausap ay nagseselos ka at naiisip mong ikaw nalang sana yun. Oras na nagkaroon siya ng commitment sa iba eh, ikukumpara mo ang sarili mo at iisa-isahin ang mga positibong katangian mo. At oras na nasasaktan ka, pag nag-iisa ay saka ka iiyak. Saka mo maiisip na, ganito pala yun.

True Love. (Yung time na you are in to a serious relationship na. Sabi nga nung iba “this is it”.)



Yung feeling na makita mo lang siya, kahit walang masyadong gastos at mkapaglibot libot lang sa isang lugar, kumpleto na araw mo.Tuwing nalulungkot ka, tumawag o magtext lang sya, ayos ka na. Sabihan ka lang ng “I love you” lahat ng problema  gagaan na, parang nakainom ka na ng energy drink. Sabihin nya lang na maganda ka, confident ka na agad. Pakiramdam mo din eh, kahit ilang away at pagtatalo pa ang pagdaan ninyo ay hindi nawawala yung pagmamahal mo sa kanya. Eto rin yung time na pag iniimagine mo yung future eh, wala ka nang ibang nakikitang kasama mo sa isang tahanan kundi sya at ang inyong mga malulusog na anak.

Pag-ibig nga naman, puno ng pag-asa.

Syempre, para kumpleto, isama na din natin ang nakakalungkot na parte.

Break-Up. Ang magpapatunay na ang pag-ibig ay maaaring isa sa pinakamasakit na mararamdaman ng isang tao.



Yung tipong nakakulong ka lang sa kwarto at ang gusto mo ay umiyak lang ng umiyak. Walang paki alam kahit makita ng lahat ng tao sa bahay na namamaga ang mga mata mo. Binabasa ang mga text niya kahit kabisado mo na. Walang gana kumain. Pipiliting lumabas para malibang pero parang zombie maglakad sa sobrang bagal. Tulala. Eto yung time na, lahat ng tao eh sasabihing kalimutan mo na, mag move-on ka na at marami diyang iba. Ngunit, Paano nga ba mag move-on? Paano nga ba makalimot kung bawat detalye ng mukha nya, bawat tono, salita,bawat kilos at reaksyon nya ay kabisado mo na. Pano nga ba makalimot kung lahat ng bagay na makikita mo, lahat ng lugar na pupuntahan, at lahat ng kantang maririnig mo ay nagpapaalala sa kanya. Paano nga ba?

Lahat tayo ay may kanya-kanyang karanasan pagdating sa pag-ibig. May masaya at malungkot na parte. Madali at mahirap. Pero sa lahat ng iyon ay mayroong iba’t ibang bagay na madadala at matututunan.

Ang tunay na pag-ibig ay dakila, wagas, at banal. Tulad ng pag-ibig na minsang nagligtas sa mundo, sa akin at sayo. Ano man ang kalabasan ng lahat, laging isiping meron isang tapat na naghihintay.

Kaya kung nasang sitwasyon ka man ngayon, lahat ay dapat ipag-pasalamat. Ang maramdaman ang isa sa mga pinaka espesyal na bagay sa mundo, ang pinaka-maganda sa kahit ano mang bagay.

Pag-ibig.



.anne.

Ganito Lang 'Yan


Nagising ako ng pasado alas sing ko ng umaga, isang araw ng huwebes. Natulala. Parang isang programa sa computer. Loading. Buffering. Nag-aalala. Kinakabahan. Ano nga ba nanaman ang hatid ng araw na ito sa akin? Hanggang sa narinig ko nanaman yung kapitbahay naming ang aga aga maglinis. Narinig ko yung walis ting-ting nyang kumukuskos sa lupa ng paulit-ulit kasabay ng mga manok na tumitilaok.

Bumaba ako mula sa higaan. Gusto kong lumabas. Pagbukas ng pinto, naramdaman ko agad ang sariwang hangin ng umaga. Basa nanaman ang lupa pati mga dahon, umulan nanaman kagabi. Sa kabila noon, naririnig ko na ang mga ibong umaawit, kahit nakasilip pa lamang ang araw. Matagal na akong hindi nakakakita ng araw na ganito. Masyado kasing nakatuon ang isip ko sa malalaking bagay noong nakaraan. Nakalimutan ko nang gawin ‘to.

Haaay.. Simpleng araw, simpleng buhay. Kay gandang pagmasdan ng umaga.
Wala akong trabaho. Nawalan. Isa nanaman ang nadagdag sa mga taong, masakit man aminin, pero palamunin ng kanilang mga magulang. Tambay. Tandang tanda ko, nakaraang huwebes lang din yun ng umaga. .

Nakaraang huwebes lang din yun ng umaga ng sinasabi sa sarili ko na “Parang kanina lang may trabaho pa ako, kakasweldo ko lang. Ngayon, wala na.” Nandodoon nanaman yung kaisipang “Mahina ako kaya nawalan ako ng trabaho.” Sinisisi ang sarili. Doon ko naramdaman ulit na napaka komplikado ng buhay. Kaunting gusot,kaunting mali,kaunting pagkukulang sa sistema, pwedeng matanggal. “Napaka komplikado.” sabi ko habang pauwing dala dala ang Termination of Employment na binigay ng boss ko. Kinakabahan. “Paano ko kaya to sasabihin sa kanila?”.

Panganay ako. Isa sa mga tao sa aming bahay na may mabigat na responsibilidad. Habang iniisip kung paano ko sasabiihin sa mga magulang at kapatid ko, hindi ko alam na nakapag compose na pala ako sa cellphone ko ng mga salita, at eto.. sending na. “Wala na akong trabaho”.  Nanlalamig, hinihintay ang sagot nila. “Magagalit sila. Syempre, wala nang trabaho ang anak nila.” Nang biglang tumunog ang cellphone. Ayan, may text na. Si mama. “Ayo slang yan, andito kami ni papa mo.Umuwi ka agad… tinolang manok ang ulam.”

Luha.

Haaay.. kay simpleng sumaya. Ako lang ang nagpapagulo sa lahat.
Maraming taong naghahanap ng kaligayahan sa buhay. Maraming taong nagtatanong, “Ano nga ba ang kahulugan ng buhay?”.  Ngunit oras na umulan at nasa bahay sila, magtitimpla ng kape, mauupo, bubuksan ang T.V., manonood, sabay masasabing “This is life”. Biglang nagkaroon ng kahulugan ang buhay. Hindi ba’t simple?

Isang gabi, lumabas ako dahil may bibilhin sa tindahan. Noong pauwi na ako nakayuko akong naglalakad. Dala ang problema, iniisip kung ano ang mangyayari kinabukasan. Sumasabay sa ihip ng hangin. Dahan-dahan akong  tumingala upang mag buntong hininga, iniisip na sana kasabay noon ang problemang mawala. Nakita ko ang langit, ang bituin, ang buwan at kasabay noon, naramdaman ko ang payapang gabi. Natago at natalo ang kabalisahan. Napangiti. Naisip ko, nakalimutan ko na nga ang mumunti at simpleng mga bagay na nagpapasaya sa akin.

Isang hapon, lumabas ako ng bahay upang magpahangin. Nakita ko ang mga batang naglalaro sa kalsada. Ngunit ang nakatawag ng pansin sa akin ay iyong dalawang batang babae na maglalaro na sana ng “chinese garter”. Napansin ko kasi na namomroblema ang isa dahil dalawa lang sila at kulang sila ng isa pang manlalaro upang maghawak sa isang dulo ng tali. Aayaw na sana siyang ituloy yung laro dahil hindi nga naman pwedeng ituloy ng kulang ang tao. Ngunit sabi ng isa, “ay nako, ganito lang ‘yan oh..” sabay kuha ng isang dulo ng tali at saka binuhol sa isang manipis na poste. “Ayan.” Saka nya pinahawak yung kabilang dulo sa kalaro nya, saka siya tumalon upang subukan. Natuwa sila, saka pinagpatuloy ang paglalaro.
Napangiti ako. Ang nasabi lang, “Oo nga naman..”

Iyon ang muling nagpaalala sa akin kung anong ibig sabihin ng buhay. Ito nga pala ay maisasalarawan sa dalawang salita. SIMPLE at MASAYA.



.anne.

Huwebes, Oktubre 4, 2012

Minsan, May Pilipino


“…ang mamatay ng dahil sayo.”

Lupang Hinirang. Isa sa mga sagisag ng ating bayan. Isa sa mga dahilan kaya humihinto o nagdadahandahan ang  mga pampasaherong jeep pag napapadaan sa mga pampublikong mga gusali tuwing lunes ng umaga at swerte  mo pag naabutan mo at alas otso na at nagmamadali ka eh, nasa sasakyan ka pa. Isa sa mga dahilan kaya pinapahinto ka ni manong guard pag papasok ka palang ng eskwelahan. Pag natapos na ay dahilan din kaya patakbo kang pumapanhik sa hagdan. Kung minsan pa ay ginagawa rin nating orasan, pag pang madaling araw ang pasok:

 “Anong oras na kaya?...” Bubuksan ang T.V. “Ay, Lupang Hinirang na. 4:30 na yan.”

O kung minsan sa patulog:

“Ay, lagpas alas dose na pala, Lupang hinirang na eh. Hindi ko namalayan. Makatulog na nga.”

Sa kabila ng mga ito, alam pa ba natin ang tunay na dahilan kaya natin paulit ulit inaawit ito? O sumasabay nalang tayo dahil nakasanayan at kailangan? Dahil oras na hindi ka sumali sa flag ceremony lalo na sa mga empleyado sa gobyerno, ay memo with multa pa ang katapat.

Kabisado pa nga ba natin?



Alam pa nga ba natin ang istorya sa likod ng pambansang awit na ito? Alam pa ba natin ang tunay na kahulugan ng mga kulay? Ang kulay asul at kulay pula? Ang tatlong bituin? Kabisado pa nga ba natin ang walong lalawigan na lumaban para sa ating kalayaan na sinasagisag din ng walong sinag ng araw sa ating bandila?  O kabisado lang natin at limot na ang lahat ng mga nangyari?

“Bataan, Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga, Manila, Nueva Ecija, Tarlac…”

Sa kabila ng kasaysayan ng Pilipinas, kamusta na nga ba tayo? Kamusta na nga ba si Inang Pilipinas?

Pag may nagtanong, “Masayang bang mabuhay?” Ang isasagot ko, “Oo Masaya. Sobra. Lalo na sa Pilipinas.”

Bayanihan, Jeep, Balot, Isaw, Mangga, Bagoong, Itlog na pula, kamatis (hmmm…), kumain ng nakakamay, kaen, tulog, gising, kaen, tulog (ay naulit…), patintero, tinikling, baro’t saya, po at opo, pangungutang sa kapitbahay pag mayroong bisita (kahit dalawang araw nang asin at kanin lang ang pumupuno sa sikmura).. atbp.

Ganyan ang Pilipino, ganyan ako. Ganyan tayo. Masaya hindi ba?

“It’s more fun in the Philippines”. Makulay ang Pilipinas, makulay ang buhay ng isang Pilipino. Kung minsan, dahil ito sa ilang mga taong walang ginawa kundi magbigay ng “thrill” sa ating araw araw na pamumuhay.
Martial Law.
Hacienda Luisita Massacre.
“I am sorry”.
ZTE broadband deal.
TRO.
SALN.
atbp.

May mga pagkakatulad hindi ba? Sino nga ba ang mga “starring” na  yan? Hindi ba’t sila rin ang mga taong minsan ay binigyan natin ng tiwala upang tayo’y iahon sa ating pagkakalunod? Hindi ba’t sila rin ang sumumpa na magiging tapat sa kanilang mga posisyon?  Ilan lang yan sa mga naging laman ng pahayagan, ng radio at telebisyon sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Ilan lang yan sa mga bagay na nagiging tatak natin bilang mga Pilipino sa ating mga kapatid sa ibang bansa. Ito ang katotohanan. Masakit. Nakakahiyang aminin, pero, nakakahiya talaga.

Noong nasa elementarya pa ako, isa sa mga pinagaaralan sa Sibika at Kultura ay yung mga sinaunang Pilipino. Ang ating mga ninuno. Pag ikaw ay laki sa pampublikong paaralan, walang sawa mo itong maririnig sa bawat silid aralan. Malay, Indones at Aeta. Sila nga, at ang ilan pa sa ating mga katutubo. Ang mga taong  minsan ay nagbigay ng kontribusyon sa ating bansa. Na minsan ding inagaw ng ilang mga dayuhan.

 Ang sabi ng iba, magalak daw tayo at sinakop tayo ng mga Espanyol sapagkat sakanila nanggaling ang ating relihiyon sa kasalukuyan. Ang sabi ng iba, magalak daw tayo at sinakop tayo ng mga Amerikano. Dahil kung hindi, eh, hindi daw tayo matututong bumasa at sumulat. Wala daw tayong gobyerno, walang batas, walang sistema sa pamamalakad ng lupa. Walang kaayusan.

Ang sabi ko “weh..?”

 Hindi ba’t dati pa man ay mayroon na tayong alibata? bathala at diwata? Hindi ba’t dati pa man ay mayroon na tayong tinatawag na balangay? mga datu?  Hindi ba’t naguumpisa na tayong umunlad nang sila ay dumating at nagtakip ng ating mga mata, bibig at tenga? Iniba ang kahulugan ng pag-unlad. Hindi ba’t dati pa man ay mayroon na tayong sistema sa lupa? May sistema sa bawat kalakaran? Gobyerno? Hindi ba’t tayo ay nag-aaral nang tumayo at maglakad bago sila dumating at pinilit tayong tumakbo? Binaliktad ang batas.. at ang bibliya.

Kung mayroong “undo” ang buhay, malamang matagal na itong wala. Malungkot man, pero, wala nga. Marahil ito rin ang dahilan kaya nariyan sila. Ang mga bayani ng kasaysayan. Si Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, at ilan pa sa mga paulit-ulit nating kinakabisado noon pa mang elementarya.

At, marahil, hindi man tayo ipinanganak para maging kahanay ng mga bayaning ito. Pinanganak naman tayong Pilipino. Pinanganak tayong may kaakibat na responsibilidad na alisin ang buhanging tumatakip sa ningning ng minsa’y tinaguriang “Perlas ng Silanganan”. May responsibilidad na ipagpag ang alikabok na nagiging sagabal upang makita ang tunay na kagandahan ng Pilipinas, at nating mga Pilipino. Pinanganak tayong may karapatang tumindig at magsalita para sa bawat isa. Dahil may karapatan ding tayong maipakita at maipagmalaki sa iba.

Na maisaulat sa kasaysayan ng mundo, maitala, na minsan, may Pilipino.


.anne.